MAGKAKAROON din ng Senatorial election sa Mayo 2022 dahil matatapos na ang termino ng 12 sa 24 na mga senador.
Kaya, asahan nating maraming politiko ang tatakbo para maging senador mula 2022 hanggang 2028.
Mayroong mga re-electionist, may mga magbabalik, may mga beteranong pulitiko na ngayon pa lang gustong maging Senador, mga opisyal ng administrasyong Duterte at mga artista.
Ang inisyal na mga pangalan sa mga tatakbong senador na nababalitan ko sa media ay sina dating bise – Presidente Jejomar Binay, Secretary Mark Villar, dating Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, dating Senador Jose Jinggoy Estrada at Senador Joel Emmanuel Villanueva.
Sila lang ang binanggit ko dahil sila ang mababansagang magkakamag-anak sa Senado kung mananalo sila sa halalan.
Si Binay ay tatay ni Senadora Nancy Binay.
Si Villar ay anak ni Senadora Cynthia Villar.
Magkapatid naman sina Ejercito at Estrada.
Si Villanueva ay anak ni Deputy Speaker Eduardo Villanueva na posibleng tumakbong senador sa tiket ng oposisyon.
Kung magwawagi sila, kauna-unahan sa kasaysayan ng Senado na maraming magkakamag-anak ang mga miyembro nito.
Dati, mag-inang Loi Ejercito at Jinggoy Estrada.
Tapos, magkapatid na Jinggoy at JV hanggang pareho silang natalo noong halalang 2019 dahil nadismaya nang todo ang mamamayang Filipino sa isyu ng talamak na katiwalian at korapsyon.
Karapatan naman nilang tumakbong senador, o anumang posisyon sa pamahalaan, ngunit dapat pairalin naman nila ang delikadesa.
Isa-isa lang bawat pamilya.
Hindi naman kailangang mag-aama, mag-iina at magkakapatid ang kasapi ng mataas na kapulungn ng Kongreso.
Hindi naman huhusay at tataas ang kalidad ng mga panukalang batas na ipapasa ng Senado kung dalawa ang Binay dito, dalawa ang Villar, dalawa ang Ejercito-Estrada at dalawa rin ang Villanueva.
Wala namang katiyakang hindi magpapasa ang Senado ng mga panukalang batas na kontra-mamamayan, o kaya lalong kikitil sa karapatan ng mga Filipino na magpahayag ng kanilang mga hinaing at batikusin kahit sinong opisyal ng pamahalaan.
Pokaragat na ‘yan!
Ang posibleng mangyari kung manalo sila sa eleksyon ay lalong lalakas at titibay ang kapangyarihan ng pamilya Binay, pamilya Villar, magkakaroon uli ng tapang at tikas ang pamilya Ejercito-Estrada at lalakas at titibay ang kapangyarihan ng pamilya Villanueva.
Pokaragat na ‘yan!
Sa kasalukuyan, nakapuwesto si Senadora Nancy Binay.
Ang kapatid niyang si Abby ay alkalde ng Lungsod ng Makati at kongresista ang asawa ni Mayor Binay na si Rep. Luis Campos Jr. ay kinatawan ng Lungsod sa Kamara de Representantes.
Sa pamilya naman ng Villar, maliban kina Senadora Cynthia at Public Works Secretary Mark, ang kapamilya nilang si Camille Villar ay kinatawan ng Lungsod ng Las Piñas sa Kamara.
Kamag-anak pa ng mga Villar ang mga Aguilar ng Las Piñas.
Sa parte naman ng pamilya Ejercito-Estrada, isa na lang ang kamag-anak nilang nakapuwesto ngayon sa pamahalaan kung hindi ako nagkakamali at ito ay isang konsehala sa Lungsod ng San Juan.
Pero, kahit isa na lang ay hindi puwedeng basta walanghiyain, bastusin at galawin ang pamilyang ‘yan dahil kay dating Pangulong Joseph Estrada.
At kahit nag-iisang Ejercito-Estrada ang mayroong puwesto sa pamahalaan ay hindi naman ito matibay na batayan upang tumakbong senador sina JV at Jinggoy nang sabay.
Kung hindi tatakbong senador si CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva, mag-iisang tatakbo si Senador Joel Villanueva sa tiket ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Kung mananalo, nag-iisang Villanueva lang ang senador.
Walang problema kahit nga hindi manalo uli ang nasabing Villanueva dahil hindi naman marami ang nagawa nito para sa mga manggagawang Filipino.
Bilang pinuno ng Senate Labor Committee, hindi niya nailaban at naipanalo ang panukalang batas na totoong maglalansag at magtatapos sa kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.
Kaya, nararapat lamang siyang palitan ng senador na totoo at tapat na maglilingkod at makipaglalaban para sa interes at kagalingan ng uring manggagawa.
Siyempre, hindi si Labor Secretary Silvestre Bello III ang tinutukoy ko dahil hindi naman solidong interes, kagalingan at buhay ng mga manggagawa ang kanyang isinusulong at ipinaglalaban mula ng maging kalihim ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula noong 2016.
Sa aking pakikipag-usap sa mga lider-manggagawa, nabatid kong maraming nagawang kasalanan si Bello sa uring manggagawa.
oOo
CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911
