MAGO ‘HINA-HUNTING’ DIN NG KAMARA

HINDI lamang Senado at National Bureau of Investigation (NBI) ang naghahanap sa executive ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na si Krizle Grace Mago kundi maging ang mababang kapulungan ng Kongreso.

Kahapon ay tuluyan nang inilabas ng Office of the Speaker ang subpoena kay Mago upang dumalo sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability matapos itong hindi makadalo sa public hearing ng komite noong Lunes.

Base sa subpoena na nilagdaan nina Speaker Lord Allan Velasco, House secretary general Mark Llandro Mendoza at DIWA party-list Rep. Michael Aglipay, chairman ng nasabing komite, kailangang dumalo sa pamamagitan ng zoom si Mago sa pagdinig na itinakda sa October 4, 2021.

“Failure to comply with this order is subject to penalty under the law,” babala kay Mago sa nasabing subpoena na isinulat sa malalaking titik, subalit hindi idinetalye kung anong parusa kapag hindi ito dumalo.

Magugunita na naging ‘incommunicado” o hindi na makontak ng Senate Blue Ribbon committee si Mago matapos nitong aminin na pinalitan ang expiry date ng mga idineliber nilang face shield at naniniwala rin ito na na-swindle ang gobyerno, noong Biyernes.

Dahil dito, humingi na ang Senado ng tulong sa NBI para hanapin si Mago upang maprotektahan ito kung kinakailangan dahil ‘damaging” umano ang rebelasyon nito sa Senado, hindi lamang sa gobyerno kundi sa Pharmally.

Samantala, mistulang nakiusap din ang Kamara sa Senate Blue Ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon na payagan si Linconn Ong na dumalo sa pagdinig ng komite ni Aglipay sa nasabi ring petsa.

Si Aglipay at iba pang miyembro ng komite tulad ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ay binabatikos ngayon ng netizens dahil mistulang ipinagtatanggol umano ng mga ito ang gobyerno at Pharmally sa natuklasang anomalya sa paggamit ng Procurement Service-Department of Budget and Management PS-DBM) sa P42 billion pondo ng Department of Health (DOH) na laan sa medical supplies laban sa COVID-19.

Lumitaw rin sa pagdinig sa Senado na mahigit P11 billion ang nakopo ng nasabing kumpanya na isang taon pa lamang sa industriya at P625,000 lamang ang paid-up capital. (BERNARD TAGUINOD)

161

Related posts

Leave a Comment