MAGPAREHISTRO PARA MAKABOTO SA 2022

HINIHIMOK natin ang mga mamamayan na karapat-dapat nang bumoto na kayo at magparehistro para sa nalalapit na halalan ngayong 2022 bunsod ng mababang turnout ng mga botante ang nagpaparehistro, at nananawagan din tayo sa mga botanteng deactivated na ang rehistro na mag-apply para sa reactivation kung hindi sila nakaboto noong 2018 barangay elections at 2019 national and local elections.

Ayon sa Commission on Elections, sa ngayon ay 1.17 milyon pa lamang na mga bagong botante ang nakapagpatala sa tinatayang 4 milyong mga hindi rehistradong Pilipino. Inihayag din nito na kanilang na-deactivate ang rehistrasyon ng 7 milyong botante na nabigong bumoto sa dalawang magkasunod na halalan.

Huwag na po natin hintaying umabot pa sa deadline bago kumilos para mag-rehistro at magpa-reactivate ng registration. Ang pagboto ay isang sagradong tungkulin ng mamamayang Pilipino na hindi natin dapat talikuran. Ang mga deactivated voters ay maaari pa ring mag-aplay para sa reactivation upang makalahok sa May 2022 national and local polls, at hindi na kailangang mag-apply muli.

Hindi nakatitiyak si Comelec commissioner Rowena Guanzon sa posibilidad ng pagpapalawig ng pagpaparehistro pagkatapos nang huling araw ng Setyembre 2021, dahil mahigpit na sinusunod ng komisyon ang mga iskedyul nito upang maisakatuparan ang iba pang mga kinakailangan sa pagpapatakbo ng halalan sa 2022.

Tayo ay umaapela sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na magparehistro upang makaboto. Ang halalan ay isang pagkakataon upang ipatupad ang pagbabago, at hindi dapat palampasin ng kabataan ang pagkakataon na pumili ng sa tingin nila ay karapat-dapat mamuno. Marami sa atin ang nambabatikos sa social media, nananawagan ng pagbabago. Nasa kamay natin ang pagbabagong hinihingi natin, at nagsisimula ito sa paghalal ng mga lingkod-bayan na kinakatawan ang mga gusto nating makita sa mga lider. Ngunit hindi ito magiging posible kung hindi tayo magre-rehistro.

Suportado natin ang pagsasaayos na kinukonsidera ng komisyon na gagawin upang maging mas maginhawa ang pagpaparehistro dahil ayon kay Guanzon, iminungkahi niyang palawigin ang oras ng pagpaparehistro ng lampas sa alas-3 ng hapon. Sisikapin din ng Comelec na maglagay ng isang priority lane para sa mga medical frontliners kabilang ang ambulance drivers, security guards, city health officials, bukod sa iba pa, pati na rin ang barangay registration satellites.

Itong barangay registration satellites ay posibleng maging isang mahusay na solusyon para sa mga taong ayaw pa ring lumabas, lalo na’t nananatili pa ring problema ang mga pampublikong transportasyon. Ang mga satellite registration na ito ay kinakailangang may kaakibat na information dissemination campaigns na target ang mga nasa kanayunan o mga lugar na limitado ang access sa internet. Kung kailangang mag-ronda nang naka-loud speaker o kaya mag-house-to-house sa mga isolated na lugar, gawin po natin para mahikayat na mag-rehistro ang mga kababayan natin.

Iminumungkahi rin natin sa Comelec na kanilang pag-aralan ang posibilidad na pumasok sa strategic partnerships sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang magbigay ng libreng sakay o transportasyon para sa mga taong nais magparehistro. Maaari siguro tayong gumawa ng ilang pamamaraan ng bloc registration para ating matiyak ang pag-rehistro ng malalaking batch lalo na sa mga geographically-isolated and disadvantaged areas.

120

Related posts

Leave a Comment