MAGPINSAN BINARIL NG TIYUHIN, PATAY

KAPWA nalagutan ng hininga ang magpinsan mula sa Barangay Poblacion Ilaya, Lambunao, Iloilo matapos barilin ng kanilang sariling tiyuhin.

Ayon sa Lambunao Municipal Police Station, namatay sa pamamaril sina Ramil Opiane, 51, at Joven Besite, 41-anyos.

Nahaharap sa kasong double homicide ang suspek na si Gil Casiple, 63, residente ng nabanggit na barangay.

Base sa ulat na ibinahagi ni Police Major Jogen Suegay, hepe ng Lambunao PNP, nakikipag-inuman ang suspek sa isang tindahan nang puntahan ng magpinsan na kapwa mga nakainom din. Dito nagkaroon umano ng pagtatalo kaugnay sa matandang alitan nila sa lupa.

Hanggang sa sinakal umano ni Opiane ang kanyang tiyuhin na lingid sa kanila ay armado ng .45 kalibreng pistola kaya agad itong pinaputukan at nahagip sa dibdib.

Sinubukang mamagitan ni Besite sa dalawa subalit maging siya ay binaril din ng suspek na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

(JESSE KABEL RUIZ)

252

Related posts

Leave a Comment