QUEZON – Wala nang buhay nang marekober ang isang 27-anyos na magsasaka na tinangay ng baha habang tumatawid sa isang ilog sa bayan ng Lopez sa lalawigan.
Ayon sa report ng Lopez Police, nangyari ang trahedya noong Miyerkoles ng umaga, Setyembre 17, habang ang biktimang kinilala sa pangalang “Bert”, residente ng Barangay Vergaña, ay patawid sa ilog papunta sa kanilang lugar na pinag-aanihan ng niyog kasama ang dalawang katrabaho sa bukid.
Subalit dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumaki ang tubig sa ilog at bumilis ang agos nito.
Ligtas na nakatawid ang dalawa niyang kasama subalit natangay ng malakas na agos ang biktima.
Isang multi-agency search and rescue operation ang inilunsad kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at mga lokal na opisyal.
Natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-7:00 ng umaga noong Huwebes, may dalawang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
