CASH AID. Pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro kasama si Gloria Carillo, hepe ng Provincial Agriculture Office (PAO) ang pamamahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund- Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) 2022 mula sa Kagawaran ng Agrikultura (DA) sa pamamagitan ng Regional Field Office nito sa nasa 1,803 benepisyaryong magsasaka ng palay mula sa Unang Distrito sa Bulacan Sports Complex, lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Setyembre 12, 2022.
UPANG punan ang kawalan sa kita ng mga magsasaka dahil sa pagbaba ng presyo ng palay at pagtaas ng presyo ng fertilizer at iba pang inputs, magbibigay ang Department of Agriculture sa pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa 7,684 magsasakang Bulakenyo ng P5,000 Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) simula Setyembre 12 hanggang Setyembre 16, 2022.
Muling binanggit ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga nakalinyang proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga Bulakenyong magsasaka kabilang ang Farmers Training Center, ang Bulacan Multiplier and Breeding Center sa Doña Remedios Trinidad, at ang sariling produksyon ng lalawigan ng vermicompost sa Farmers Productivity Center.
“Kailangan po natin mag-train ng mga anak natin na mag-focus sa farming. Kailangan na natin silang sanayin habang bata pa sila. Importante sa atin ang pagtatanim kaya hindi natin dapat ito pabayaan,” anang gobernador.
May kabuuang 1,803 magsasakang benepisyaryo mula sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Paombong, Pulilan, Hagonoy at lungsod ng Malolos ang tumanggap ng ayuda nitong Setyembre 12 sa Bulacan Sports Complex; habang 1,496 mula sa bayan ng Plaridel, Baliwag, Bustos, Pandi, Guiguinto, Bocaue, at Balagtas ang tumanggap nitong Setyembre 13, 2022 sa kaparehong lugar.
Setyembre 14, dalawang grupo ng pamamahagi ang isinagawa sa bayan ng San Rafael.
Ayon kay Gigi Carrillo, hepe ng Provincial Agriculture Office (PAO), isasagawa ang huling pamamahagi sa Fortunato F. Halili National Agricultural School sa Santa Maria na may 885 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Santa Maria, Angat, Norzagaray, Marilao, at mga Lungsod ng Meycauayan at San Jose del Monte.
Aniya, ang kabuuang bilang ng magsasaka ay karagdagan sa 19,588 benepisyaryo sa lalawigan na una nang nakatanggap ng ayuda noong Pebrero 10-26, 2022. (ELOISA SILVERIO)
251
