UMAKYAT sa 1,048 ang bilang ng mga pulis na sinampahan ng kasong administratibo sa unang tatlong buwan ng 2026, ayon sa PNP-Internal Affairs Service (IAS).
Mas mataas ito kumpara sa 770 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, bunga ito ng pinaigting na monitoring laban sa mga abusadong pulis.
Sa bilang, mahigit 800 ang Police Non-Commissioned Officers, habang higit 200 ang Commissioned Officers.
Sa mga kasong naresolba, 41 na ang sinibak sa serbisyo, 64 ang sinuspinde, 20 ang nademotion, at 11 ang reprimanded, habang 187 ang napawalang-sala.
Nagpaalala ang IAS sa hanay ng kapulisan na huwag isugal ang kanilang pangalan at benepisyo sa paglabag sa patakaran.
Bagong Mukha ng PNP
Samantala, nanawagan si Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh sa mga babaeng pulis na manguna sa pagbabago ng imahe ng Philippine National Police (PNP).
Sa isang aktibidad ng National Police Commission at PRO-4A, iginiit niya ang mahalagang papel ng kababaihan sa makatarungan at makataong policing.
Binigyang-diin din niya ang pagdami ng kaso ng rape, lalo na sa mga bata, at ang pangangailangan ng gender-sensitive at victim-centered approach sa pagpapatupad ng batas.
Hinamon ni Singh ang mga babaeng pulis na labanan ang korupsyon at maging simbolo ng pagbabago sa hanay ng kapulisan.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
73 