SEGURIDAD SA MAYON HINIGPITAN NG PNP

MAS paiigtingin pa ang pagbabantay sa paligid ng Bulkang Mayon habang pinag-aaralan ang pagpapalawak ng Permanent Danger Zone (PDZ) mula anim hanggang pitong kilometro.

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng lumala ang aktibidad ng bulkan, dahilan para ikonsidera ang mas malawak na saklaw ng danger zone.

Kasabay nito, nagpakilos ng karagdagang pwersa ang Philippine National Police (PNP) upang tiyakin na walang makapapasok sa mga delikadong lugar.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang koordinasyon nila sa mga lokal na opisyal upang mapigilan ang mga residenteng nagtatangkang bumalik sa loob ng danger zone.

“Importante ang disiplina at kooperasyon ng komunidad para maiwasan ang peligro,” diin ng PNP chief, kasabay ng babala na patuloy na nagbabanta ang kondisyon ng Mayon.

Halos 200K Evacuees

Kaugnay nito, umabot na sa mahigit 195,000 indibidwal ang nailikas dahil sa pag-aalburuto ng Mayon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na tuloy-tuloy ang kanilang rescue at relief operations para sa mga apektadong pamilya.

Nagdeploy rin ang PCG ng water purification at desalination units sa Guinobatan at Camalig, Albay na kayang magbigay ng hanggang 10,000 litro ng malinis na tubig kada araw.

Bukod dito, tumutulong din ang kanilang mga tauhan sa clearing operations para alisin ang ashfall sa mga kalsada at matiyak ang ligtas na biyahe sa lugar.

Sakahan Nilamon ng Abo

Lubhang napinsala ang agrikultura sa Albay matapos matabunan ng makapal na abo ang mga sakahan sa Guinobatan, Camalig, Ligao at iba pang bayan.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), mahigit 91,000 katao ang apektado, habang hindi bababa sa 52 barangay ang direktang tinamaan ng ashfall.

Umabot umano sa 2 hanggang 3 pulgada ang kapal ng abo na sumira sa mga pananim tulad ng palay, mais at gulay. May ulat din ng pagkamatay ng mga alagang hayop.

“Buhay at kabuhayan ng mga magsasaka ang nalubog sa abo. Sa isang iglap, nawala ang ilang buwang pinaghirapan,” ani KMP Secretary General Ronnie Manalo.

Dagdag pa ng grupo, bukod sa pinsala, pinapasan din ng mga magsasaka ang mataas na gastos sa rehabilitasyon dahil sa mahal na langis at abono.

Nanawagan ang KMP ng agarang kompensasyon, subsidyo, at tulong sa produksyon upang makabangon ang sektor ng agrikultura.

(TOTO NABAJA/JOCELYN DOMENDEN/PAOLO SANTOS)

77

Related posts

Leave a Comment