LAGUNA – Mahigit sa isang libong drum ng langis ang natanggal na mula sa ilog ng San Isidro sa San Pedro City matapos ang oil spill na dulot ng sunog sa mga warehouse ng Kengian Complex noong Enero 24.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Biñan, PENRO San Pedro, at Harbor Star, tuloy-tuloy ang kanilang clean-up operation sa lugar.
Sa pamamagitan ng oily waste collectors na Clean Leaf International Corporation at JM ECOTECH, ang nakolektang langis at maging ang tubig na nahalo sa langis ay dinala sa kani-kanilang treatment facilities para sa storage at disposal.
Bago pa man ang clean-up operation, naglagay na ng oil spill booms upang maiwasan ang pagkalat ng kontaminasyon sa tubig at mapadali ang pagkolekta ng langis.
Simula noong Enero 26, umabot na sa kabuuang 1,231 drums o 246,170 litro ng langis, at tubig na nahalo sa langis ang nakolekta.
Ang naturang operasyon ay pinangunahan ng Marine Environmental Protection Command (MEPCOM), Coast Guard Logistics Systems Command (CGLSC), Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL), at iba pang Coast Guard Stations katuwang ang BFP at CDRRMO ng San Pedro City. (NILOU DEL CARMEN)
5