MAHIGIT P21-M HALAGANG SMUGGLED CIGARETTES, NASABAT NG PNP

UMAABOT sa mahigit P21.5 milyon ang halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa magkahiwalay na anti-smuggling operations sa Zamboanga City at Dumaguete City.

Sa Zamboanga City, dalawang lalaki ang inaresto matapos masabat ang P6.5 milyong halaga ng kontrabandong sigarilyo sa isinagawang sea interdiction malapit sa Layag-Layag Island sa Barangay Talon-Talon.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nabigong magpakita ng shipping at transport documents ang dalawang suspek para sa kargang 2,182 reams ng Cannon, Berlin at Bravo cigarettes.

Samantala, tatlo pang lalaki ang inaresto matapos makumpiskahan ng tinatayang P15.07 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Port Area, Barangay Looc, Dumaguete City.

Ayon kay Negros Island Region Police Office Director Brig. Gen. Romano Cardiño, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report na may kontrabandong sigarilyong isinasakay sa isang roll-on/roll-off (RORO) vessel mula Pagadian City patungong Dumaguete City.

Naharang ng mga operatiba ang isang berdeng trak na may kargang 263 master cases ng hinihinalang ilegal na sigarilyo na walang kaukulang dokumento.

Nasamsam din ang trak at mahigit 200 kahon ng pinatuyong tamban na tinatayang nagkakahalaga ng P90,000.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Dinala ang mga naaresto sa Dumaguete City Police Station para sa booking at dokumentasyon, habang pansamantalang nasa kustodiya ng Philippine Coast Guard ang mga nakumpiskang sigarilyo habang isinasailalim sa kaukulang proseso.

(JESSE RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment