MALACAÑANG PINAAARAL NA SA DOJ ANG EXTRADITION REQUEST NG U.S. LABAN KAY QUIBOLOY

BINIGYAN na ng go signal ng Malacañang ang Department of Justice (DOJ) na pag-aralang mabuti ang extradition request ng pamahalaan ng Estados Unidos laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.

Kasunod ito ng kumpirmasyon na natanggap na ng DOJ ang mga dokumentong may kaugnayan sa extradition request kaugnay ng mga kasong sex trafficking, visa fraud at iba pang reklamo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, natanggap na ng DOJ ang “voluminous records” mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) matapos itong iendorso ng ahensya.

“Kahapon nabanggit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na natanggap na nila ang request ng U.S. government at ito ay na-endorso na nila sa DOJ. Natanggap na po ngayong araw ang voluminous records mula sa DFA,” ani Castro.

Sinabi ni Castro na kinakailangang masusing suriin ang kahilingan bago makapagpasya ang pamahalaan.

Aniya, dapat matiyak na makakamit ang hustisya para sa umano’y mga biktima at maging sa akusado.

Samantala, kinumpirma ni DOJ Spokesperson Polo Martinez na natanggap na ng DOJ nitong Biyernes ang makapal na dokumentong ipinadala ng Department of Foreign Affairs (DFA).

(JULIET PACOT)

62

Related posts

Leave a Comment