MISTULANG napaaga ang Pasko sa may 650 indigents na residente ng Dasmariñas City, Cavite nitong Biyernes, Disyembre 18, nang mabahaginan sila ng tulong ngayong nalalapit na ang araw ng Pasko.
Ito ay matapos silang bisitahin ni Senator Christopher “Bong” Go.
Kabilang sa mga natanggap ng mga benepisyaryo ay mga pagkain, food packs, masks, face shield at mga bitamina, na ipinamahagi sa Integrated National High School, Brgy. Burol, Dasmariñas City.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Go ang mga residente dahil sa patuloy na suporta at kooperasyon ng mga ito sa pamahalaan at hinikayat silang patuloy na makilahok sa bayanihan para malampasan ng bansa ang mga krisis na kinahaharap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang komunidad at pagpapakita ng habag sa kanilang kapwa, partikular na ngayon panahon ng Kapaskuhan.
“Ito po ang tandaan natin, hindi naman po sa ayaw naming pasalamatan kami, pero kami po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po kami ng pagkakataong makapagserbisyo po sa inyo,” ani Go.
Kinilala rin ni Go ang pagsusumikap ng mga lokal na opisyal na patuloy na nagsisilbi sa kanilang mga nasasakupan sa panahon ng pandemic ng COVID-19, kabilang sina Dasmariñas City Mayor Jennifer Barzaga at Representative Elpidio F. Barzaga, Jr., Vice Mayor Raul Rex Mangubat, Dasmariñas City councilors, at iba pang public servants sa Cavite.
Kinilala rin niya ang pagsusumikap ng mga barangay official at ibinalita sa mga ito na tatanggap sila ng Christmas incentives mula sa pamahalaan. Bilang kapalit, hiniling niya sa mga ito na ipagpatuloy ang tapat na pagsisilbi sa kanilang constituents.
“Ngayong Pasko po, mayro’n na namang ibibigay na Christmas incentive rin po si Pangulong Duterte sa mga barangay officials. Ang pakiusap ko lang po, huwag n’yo pong pabayaan ‘yung mga kababayan natin sa inyong barangay,” aniya. “Kayo po ang takbuhan nila. Alam ko ang trabaho ng kapitan, matagal ako kay Mayor Duterte sa city hall. Lahat ng problema, ilalapit: patay, sakit, lahat ng tulong, ang kapitan po ang umaakyat ng lahat ng problemang iyan sa city hall.”
Bukod naman sa mga nabanggit na tulong sa indigents, ilang piling benepisyaryo rin ang nakatanggap ng bisikleta para magamit nila sa pagbiyahe sa trabaho ngayong limitado ang opsiyon sa transportasyon, habang ilang mag-aaral din ang pinagkalooban ng tablets upang mapadali ang kanilang paglahok sa ilalim ng blended learning approach na ipinatutupad ngayon sa mga paaralan. (CHRISTIAN DALE)
