“MAHIYA NAMAN KAYO!”

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

UNAHIN NATIN itong narinig kay PBBM noong kanyang ika-apat na State of the Nation Address (Sona) nitong nakaraang Hulyo, 2025. Dito nagsimulang mabuyangyang ang multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nangako ang pangulo na mananagot at maparurusahan ang mga kasangkot sa panderekwat sa pondo ng gobyerno – korap na opisyales ng DPWH, kontratista, at iba pang kasabwat na mga nanunungkulan sa pamahalaan.

Pagkalipas ng anim na buwan, dismayado ang taong-bayan dahil wala pang kinakasuhan at naparurusahang opisyales. Bagama’t sinampahan na ng kaso at nakakulong na rin ang kontratistang si Sarah Discaya at ilang kasamahan niya, ang inaasahan ng mamamayan ay ang katuparan ng pangako ni PBBM na parurusahan ang lahat ng mga magnanakaw sa salapi ng taong bayan. Ipinagyabang pa ng mga paepal ang bagong gawang kulungan na nakalaan daw sa mga korap pero hanggang ngayon naman ay nakatengga pa rin at walang nakahoyo.

Nitong nakaraang January 9 sa ginanap na misa sa Quirino Grandstand sa Luneta bago isagawa ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno, muling nadinig ang “Mahiya naman kayo!” sa homiliya ni Balanga Bishop Rufino Sescon.

Hinamon ng obispo ang mga kasangkot sa dekwatan sa salapi ng taong-bayan na boluntaryong bumaba na sa kanilang lukratibong puwesto sa gobyerno bilang tanda ng pagsisisi sa kanilang ginawang kasalanan sa Panginoong Diyos at mamamayan.

Nakalulungkot mang sabihin ay parang nagsalita lang sa hangin ang alagad ng simbahan dahil makapal na ang mukha ng mga korap. Sa umiiral na mentalidad ng mga dorobo, suntok sa buwan kung may magbibitiw sa kanila sa puwesto. ‘Yun ngang halos huli na sa akto at may sangkatutak nang ebidensya para patunayan ang panderekwat, ay garapal pa ring kapit-tuko sa kanyang upuan. Kasangkapan ang pasikot-sikot na batas kasabay ng pagsuhol sa kapwa niya korap sa Department of Justice, Ombudsman, at hanggang sa huwes ng korte na didinig sa kaso upang hindi siya ay masibak.

Ganito ang bulok na sistema ng katarungan sa ating bansa. Hindi pantay. May kinikilingan. Kapag may nahuling nagnakaw ng kahit ilang lata ng sardinas para ipaulam sa pamilyang nagugutom, mabilis ang proseso at tiyak na ikukulong agad. Pero kapag ang nandedekwat ay opisyales ng gobyerno – kasama na ang mga senador, kongresista, hanggang sa lokal na pamahalaan – hindi sila sasalingin ng mga awtoridad at tinatawag pang “kagalang-galang” sa mga programa at pagtitipon. PWE!.

Kaya hindi na ako nagtataka sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia – 94 percent ng mga Pinoy ay naniniwalang talamak ang korupsyon sa buong gobyerno. Ang nakalulungkot lang – sa kabila ng ganitong malawak na paniniwala ay bakit hindi natitinag ang mga magnanakaw sa pamahalaan at patuloy pa rin sa kanilang mala-buwayang pandarambong?

Maiuugat ito sa bulok na sistema sa ating pamahalaan. Hindi lang naman ngayon ang dekwatan sa gobyerno. Matagal na itong nagaganap. Ilang presidente na ang umupo na lahat ay nangako na wawakasan ang korupsyon pero walang nakapagpatigil. Ang malintik nito – lalo pang naging grabe at mas lalong lumawak ngayon. Halos lahat ng ahensya ng pamahalaan hanggang sa Malakanyang ay may kanya-kanyang sindikato ng mga mandurugas.

##########

Mantakin ninyo ito. May tatlong opisyales ng DPWH na sinibak, kumanta na sa mga imbestigasyon at nagturo na rin sa kanilang mga kasapakat na kontratista, senador at kongresista. Nagbalik na rin sila ng daang milyong piso at ilang mamahaling sasakyan sa gobyerno, indikasyon ng pag-amin sa ginawa nilang pangungulimbat at gagawing pakikiisa sa mga awtoridad upang kasuhan at timbugin na rin ang mga kasabwat nila sa pagnanakaw kabilang ang tatlong senador.

Pero nitong mga nakaraang araw ay nagpahayag na binabawi na nila ang kanilang mga naging testimonya sa ginanap na mga imbestigasyon. Anong gustong palabasin ng mga ito? Wala silang kasalanan gayundin ang mga itinuro nilang kasapakat? Sinong maniniwala sa kanila ngayon? Saan galing ‘yung mga milyones na ibinalik nila sa gobyerno? Palabas lang nilang drama?

Malamang ay may nang-uto sa kanila mula sa kampo ng mga isinasabit nila para kanselahin ang kanilang mga testimonya. At nagpauto naman. MGA TANGA! Kahit na anopang gawin nilang paek-ek, hindi na mawawala sa record ang kanilang mga testimonya kasama ang mga isinumite nilang iba pang ebidensya.

Makakawala lang sila sa tiyak na pangangalaboso kapag nagpatuloy na mangingibabaw ang bulok na sistema sa paghahanap ng katarungan sa ilalim ng ating gobyerno. Garapalan na talaga ito. Wala nang maniniwala sa ating pamahalaan. Kumukulo na ang dugo ng mga mamamayan sa matinding galit.

At sana, ang pagpupuyos ng taong-bayan ay dala-dala nila sa kanilang dibdib hanggang sa eleksyon sa 2028. Maging matalino na tayo sa pagboto. Suriing mabuti ang pagkatao ng bawat kandidato. Ibigay natin ang ating sagradong boto sa matapat at karapat-dapat na manungkulan kahit na hindi sikat at walang perang ipinamimigay sa panahon ng kampanyahan.

May kolektibong kapangyarihan ang mamamayan upang wakasan ang korupsyon sa gobyerno. Isang mabisang sandata ang ating boto. Gamitin natin ito nang wasto alang-alang sa susunod na henerasyon – anak, apo at mga isisilang pa. Gagabayan tayo ng Panginoong Diyos.

##########

Malungkot ako nitong nakaraang kapiyestahan ng aking patron Hesus Nazareno. Sumakabilang buhay si kosang Itoh Son, photojournalist ng Saksi Ngayon. Pero hindi pa kami nagkikita nang personal. Batay sa report, inabot siya ng atake sa puso, Biyernes ng umaga, habang nagkokober ng Traslacion. Tinamaan na siya ng flu nitong mga nakaraang araw pero pinilit pa rin niyang bumangon upang magampanan ang coverage sa taunang prusisyun ng patron ng Quiapo. Saludo ako sa kanyang dedikasyon sa propesyon.

Sana lang… magkaroon ng isang tanggapan ang pamahalaan na nakapokus sa pagbibigay ng anomang tulong sa mga mamamahayag lalo na ang mga matatanda na sa propesyon.

Sabi ng mga opisyales ng gobyerno ay kapartner nila ang media sa paghahatid ng impormasyon sa publiko. Pero bakit kapag nangangailangan ng tulong ang isang mamamahayag ay walang iniaabot na kamay ang pamahalaang pang-nasyunal? Ilang beses na akong lumapit sa national DSWD pero dedma lang sila. Ang akala yata ay mapera ang news reporters.

Marami pa akong mga kakosa sa propesyon lalo na sa mga probinsya – mga katulad kong matanda na at mas grabe pa ang mga sakit. Nangangailangan kami ng kalinga ng gobyerno.

Sa mahigit 30 taon ko bilang isang mamamahayag, hindi ako yumaman sa salapi. Ang konting naipon ko ay nalimas pa nang sumailalim ako sa angioplasty sa Philippine Heart Center, apat na taon na ang nakararaan.

Mabuti na lang at mapagkalinga sa mamamayan ang pamahalaang panglalawigan ng Quezon at pamahalaang panglunsod ng Lucena. Nakahihingi ako ng ayudang gamot para sa aking pangangailangan sa araw-araw.

Sana, ganito rin ang pamahalaang nasyunal. Mas malaki ang pondo nila kumpara sa mga pamahalaang lokal. Marami silang matutulungan sa aming hanay. Isa itong matapat na apela at panawagan. Sana ay pakinggan…

3

Related posts

Leave a Comment