UMAKYAT na sa 11 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng Binaliw sanitary landfill sa Cebu City, ayon sa Philippine National Police–Police Regional Office Central Visayas (PRO-7) nitong Martes ng umaga.
Ito ay makaraang mahukay mula sa guho ang tatlong bangkay ng mga babae.
Batay sa datos ng PRO-7, nasa 25 katao pa ang pinaniniwalaang nasa ilalim ng gumuhong tambakan ng basura, habang 18 naman ang naiulat na nasugatan sa insidente.
Ayon kay Cebu City Councilor David Tumulak, pinuno ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council, dalawang bangkay ng babae ang narekober nitong Lunes ng hapon, habang isa pa ang nakuha Martes ng umaga.
“As of this time, the death toll at the Binaliw dumpsite has reached 11,” ani Tumulak.
Bandang alas-4:00 ng hapon kamakalawa nang unang marekober ang bangkay ng 48-anyos na babae. Makalipas ang isang oras, nahukay naman ang labi ng 57-anyos na babae. Ang ikatlong biktima, isang 50-anyos na babae, ay narekober Martes ng umaga.
“Our search and retrieval operations are continuing,” ayon kay Tumulak, subalit nilinaw niyang dahan-dahan at maingat ang isinasagawang search, rescue at retrieval operations dahil may mga sign of life pa umanong nade-detect ang mga rescuer.
Sinabi rin ni Cebu City Mayor Nestor Archival Jr. na nananatili sa low-intensity level ang search and rescue operations sa Binaliw matapos ma-detect ng mga kagamitang mula sa Davao Mining—na tumutulong sa SAR—ang mga senyales na may buhay pa sa ilalim ng guho.
Samantala, naglabas na ng cease-and-desist order ang Department of Environment and Natural Resources laban sa Prime Integrated Waste Solutions, ang pribadong sanitary landfill operator na namamahala sa tambakan ng basura ng Cebu City.
(JESSE RUIZ)
29
