MAI-IMPEACH SI BBM KUNG KAKALAS ANG LAKAS-CMD

DPA ni BERNARD TAGUINOD

SINIMULAN na ng House Committee on Justice ang pagdinig sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pero kung kasaysayan ang pagbabasehan, wala pang naita-transmit na article of impeachment na dumaraan sa komiteng ito.

Sa kaso nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona, hindi na ito dumaan sa Justice committee dahil otomatik na nai-transmit ang reklamo sa kanila sa Senate na tumayong Impeachment court dahil 3rd mode ang ginamit na paraan.

Kahit ‘yung impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay 3rd Mode ang ginamit na daan kaya nai-transmit ito sa Senado pero hindi nga lang nalitis hindi tulad ng kaso nina Erap at Corona.

Tatlo ang paraan sa pagpapa-impeach ng mga impeachable official: Una… ang complainant ay sibilyan at ieendorso ng sitting congressman ang kanilang reklamo. Pangalawa… mismong congressman ang maghahain ng kaso at ang ikatlong paraan ay 2/3 sa House Members ang mismong complainant at endorser.

Sa unang dalawang paraan, daraan ‘yan sa Justice committee lalo na’t hindi umabot sa 2/3 sa House members ang endorsers at ‘yan din ang moda na ginamit noon kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Anomang report na ilalabas ng Justice committee, pabor man sa impeachment o hindi, ay pagbobotohan ‘yan ng plenaryo para mai-transmit ‘yan sa Impeachment court, kailangang ang 1/3 votes.

Ganyan ang mangyayari sa kaso ni Marcos, pagbobotohan sa plenaryo ang magiging report ng komite at makukuha lang ang 106 votes na kailangan kung kakalas sa kanya ang Lakas-CMD ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Ang Lakas-CMD ay may 110 miyembro sa Kamara at sapat na ‘yun para ipalitis sa Impeachment court si BBM, pero suntok sa buwan na kakalas sa kanya ang partidong ito na pinamumunuan ng kanyang pinsan.

Malabo rin humiwalay sa administrasyon ang National Unity Party (NUP) na may 43 miyembro at karamihan sa 65 party-list congressmen at lalong hindi kakalas ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na may 32 miyembro.

Kahit magsama-sama ang Nacionalista Party (NP) (22 members), Liberal Party (LP) na may 6 na miyembro, at iba pang partido sa Kamara (maliban sa PFP na may 28 miyembro at partido ni Marcos) at iba pang party-list congressmen, ay hindi sila aabot ng 106 para maiakyat sa Impeachment court ang kaso ni BBM.

Kaya numbers game pa rin ang impeachment at kung marami kang puwersa sa Kamara ay ligtas ka kahit matibay ang ebidensya laban sa ‘yo. ‘Yan marahil ang dahilan kaya totoo ang mga matagal nang sitsit na kontrolado ng Pangulo ang Kongreso… hindi totoong may check and balances sa gobyerno.

4

Related posts

Leave a Comment