MONEY MAN Ni VICTORINO O. VASCO III
– ANO ba ang operasyon ng bangko?
Nanghihikayat ang mga bangko na mag-impok ng pera o salapi sa kanila. Bawat halaga ng salapi ay may katumbas na interest o kita.
– Bakit nagbibigay ng kita sa simpleng patago ng pera sa mga bangko?
Ang mga perang nakadeposito sa mga bangko ay ginagamit nila upang ipautang sa kanilang mga kliyente, may katumbas na interest o kita ang mga bangko.
– Paano kumikita ang mga bangko sa pagpapautang sa mga kliyente?
Ang mga deposito sa bangko ay may katumbas na interest gaya ng 3% kada taon, nagdadagdag lamang sila nang mga 2% interest para kumita. Kaya ang 3% interest sa deposito ay magiging 5% interest sa mga manghihiram. Sa halimbawang ito, magkakaroon sila ng 2% na kita sa bawat halaga ng perang pinahiram nila bawat taon.
– Paano nasisiguro ng mga bangko na maibabalik ang mga perang ipinahiram nila?
May mga ekspertong empleyado sa bawat bangko para tiyaking maigi na may kakayahang magbayad ang bawat kliyenteng gustong umutang. Naka-agapay rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas para matiyak ang katatagan ng mga bangko sa Pilipinas at masubaybayan na sumusunod sila sa tamang regulasyon at patakaran.
– Paano nalalaman ng bangko kung may sapat pa silang pera o deposito para sa pautang at sa mga nagwi-withdraw?
Mayroong departamentong nagkokontrol sa galaw at presyo ng perang nakatago sa bangko. Responsibilidad nila tiyakin na mayroong sapat na perang nakalaan sa pautang at sa mga magwi-withdraw ng deposito. (Sila ang may hawak sa kaban ng bangko o Treasury Department sa wikang Ingles).
