(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TAHASANG tinawag na ipokrito at hangal ni dating executive secretary Vic Rodriguez ang mga grupong nangangalampag para ituloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang Facebook page ay nag-post si Rodriguez, isa sa mga senatorial candidate sa nagdaang midterm election, ng maikling mensahe nitong Linggo patungkol sa maiingay sa isyu ng impeachment ngunit wala aniyang imik sa mga anomalyang ibinabato sa administrasyong Marcos Jr.
Partikular niyang tinukoy ang ‘anomalya’ sa 2025 national budget, PhilHealth fund transfer at bilyong flood control budget.
“Hypocrites and fools,” ang titulong mababasa sa post ni Rodriguez.
“Sa mga ‘𝐄𝐃𝐔𝐂𝐀𝐓𝐎𝐑𝐒’ at ‘𝐁𝐀𝐍𝐀𝐋’ na nananawagan ng transparency at accountability, bakit ang ingay ninyo sa impeachment pero 𝐁𝐔𝐒𝐀𝐋 ang bibig sa 𝐀𝐍𝐎𝐌𝐀𝐋𝐘𝐀 ng 𝐆𝐀𝐀, 𝐏𝐇𝐈𝐋𝐇𝐄𝐀𝐋𝐓𝐇 at 𝐅𝐋𝐎𝐎𝐃 𝐂𝐎𝐍𝐓𝐑𝐎𝐋? tanong niya.
“Sa mga “deeply committed to truth, justice and rule of law” sa mga humihingi ng ‘due process at equal protection of the laws’, bakit hindi ninyo tuligsain at tugisin ng buong sigasig ang Marcos 𝟐𝟎𝟐𝟓 𝐔𝐍𝐂𝐎𝐍𝐒𝐓𝐈𝐓𝐔𝐓𝐈𝐎𝐍𝐀𝐋 national budget?,” bahagi pa ng post.
Sa huli, pinayuhan niya ang publiko na maging mapanuri at huwag anyang magpamanipula sa mga unibersidad, relihiyon at personalidad na huwad ang pakikipaglaban sa korapsyon.
Nangalampag
Matatandaang nauna nang nangalampag ang University College of Law at De La Salle University sa pagkaantala ng impeachment ni VP Sara.
Nakiisa na rin dito ang Ateneo School of Government at iba pang educational institutions sa bansa maging ang grupo ng mga retiradong hukom at law experts.
Iginiit na rin ng Philippine Bar Association (PBA) na malinaw ang utos ng Konstitusyon na kailangan magsagawa ng impeachment trial ang Senado laban kay Duterte.
Sinabi ng PBA, hindi pwedeng balewalain ng Senado ang kaso o idaan sa boto kung itutuloy ito o hindi.
Anila, obligasyon ito ng Senado at hindi opsyon, lalo’t nakasaad sa Konstitusyon na ang paglilitis dapat agad na isagawa.
Binigyang-diin ng grupo na hindi “majority wins” ang basehan dito, kundi ang Rule of Law.
Giit pa ng asosasyon, kapag inihain na ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment, awtomatikong kailangang magsimula ang paglilitis.
Nagbabala rin ang grupo na walang sangay ng pamahalaan — kabilang ang Senado — ang maaaring umiwas sa tungkulin nito sa pamamagitan ng mga sariling palusot at pagkaantala.
Ang pagsasagawa ng paglilitis gaya ng utos ng Konstitusyon ay upang maiharap ng prosekusyon ang kanilang kaso at magkaroon ng pagkakataon ang nasasakdal na ipagtanggol ang kanyang sarili at linisin ang kanyang pangalan.
Impeachment Trial Sa June 11
Kaugnay nito, tiniyak nina Senador Sherwin Gatchalian at Francis Tolentino na sisimulan ang impeachment trial sa Hunyo 11.
“Wala namang choice ang Senado. Hindi ito desisyon ng mga senador. Ito ay constitutional responsibility ng mga senador,” ayon kay Gatchalian.
Sinusugan ni Tolentino ang sentimyento ni Gatchalian na dapat nang i-convene ang impeachment trial sa gitna nang lumalawak at lumalakas na panawagan na simulan ang paglilitis kay Duterte.
Aniya, posibleng matapos ang impeachment trial sa loob ng 19 araw o hanggang Hunyo 30, bagay na kinontra ni House Prosecutor member Rep. Rodge Gutierrez.
Hindi aniya posible ang inilatag na “timeline” o kalendaryo ni Tolentino.
Imposible aniyang ma-consolidate sa dalawang Articles lamang ang kaso, dahil mistulang pagtataksil ito sa buong Articles of Impeachment.
Nakahanda Depensa
Samantala, iginiit ng kampo ni VP Sara na handa silang harapin ang proseso sakaling ituloy ng Senado ang impeachment trial.
Muling iginiit ng defense team na may seryosong paglabag sa Saligang Batas ang pagkakabuo ng ikaapat na reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.
(May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
