MAKATI BRGY. OFFICIALS GINIGIPIT ANG KANILANG CONSTITUENTS NA PUMABOR SA TAGUIG?

PUNA Joel Amongo

TALI na ang kamay ni Makati City Mayor Abby Binay sa isyu ng Taguig-Makati territorial dispute, hindi na n’ya maaaring gawin ang kanyang matatapang at hayagang pagsasapubliko ng kanyang komento hinggil sa usapin dahil maaari na itong kasuhan ng contempt of court ng Korte Suprema, kaya naman ang mga alipores na nito ang siyang gumagawa ng “dirty tactics” at “delaying tactics” para hindi maipatupad ang desisyon na nag-uutos na ilipat sa Taguig ang hurisdiksyon ng 10 barangay na nasa Makati City.

Ang sinasabi kong “dirty tactics” ay ang ginagawang panggigipit ng mga barangay chairman ng Makati, ating napag-alaman na ang mga kawani ng barangay na pumapabor sa Taguig ay kanilang ginigipit, andyan ang banta na hindi ibibigay ang mid year bonus, allowances at sa ilang insidente ay sapilitang pinagbibitiw sa pwesto. Sa maikling salita ay “binu-bully”.

Kung mainit ang talakayan sa social media ukol sa Taguig-Makati territorial dispute kung saan makikita natin sa mga komento na nagkaka-inisan pa kung minsan ang netizens, ay asahan natin na lalo pa sa “ground”, ano na lang ang mga panggigipit na maaaring gawin ng barangay officials para mabago ang mindset ng mga residente upang mag-aklas at magmatigas din at labanan ang final and executory decision ng Korte Suprema.

Kung litong-lito na ang mga residente ng 10 barangay sa Makati sa kung ano ang dapat nilang gawin sa isyu ng kanilang paglilipat sa Taguig, ay paniguradong bunsod ito ng “masamang sulsol” ng Makati barangay officials.

Isa pa sa ginagawa ng Makati barangay officials ay “delaying tactics”.

Delaying tactics dahil maging ang Kongreso na walang hurisdiksyon sa usapin ng territorial dispute ay nais na pasawsawin na rin sa isyu. Hay naku naman, Makati!

Kumakalat ngayon sa lungsod ng Makati ang isang signature campaign kung saan ay hinihimok ang mga apektadong residente na lumagda sa isang petisyon. Layon ng petisyon na ito na mangalap ng sapat na lagda para hilingin naman sa Kongreso ang pagsasagawa ng referendum.

Nakasaad sa petisyon na lumabas sa media, na hinihimok nito sina Makati First District Rep. Kid Peña at Makati Second District Rep. Jose Luis Campos na maghain ng petisyon sa Kamara para isulong na magsagawa ng referendum. Sa ganitong paraan ay ang mga residente ang siyang boboto kung payag ba sila o hindi na mailipat sila sa Taguig.

Para po sa kaalaman ng ating Makati barangay officials at para na rin sa kalinawan para sa mga residente ng 10 Embo Barangays, ang territorial dispute po ng Makati at Taguig ay isang kaso na ang korte ang siyang dapat na magresolba. “Court Intervention” ang kailangan kaya nga tumagal ng 30 taon bago ito naresolba dahil dumaan ito sa proseso, una sa lower court, sa Court of Appeals at ang final arbiter, ang Supreme Court.

Paalalahanan natin ang mga kaalyado ng mga Binay sa Kongreso na huwag po tayong sumawsaw sa isyu. Nagsalita na ang Supreme Court at ang desisyon nila ay “law of the land”, walang sinoman ang maaaring kumontra dito.

Sa Makati barangay officials, itigil na natin ang pagpapakalat ng mga petisyon na nakagugulo lamang at nakadaragdag ng tensyon. Mga residente ng Embo barangays, maging matalino po tayo.

Kung ang inyong lider ay hindi kayang sumunod sa batas, hindi kayang igalang ang desisyon ng Supreme Court, aba ay mag-isip-isip na po tayo.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

197

Related posts

Leave a Comment