MALAKI ang posibilidad na sadyang hindi makatutulong ang pinalutang na panibagong extension ng termino ni Philippine National Police chief PGeneral Rommel Francisco Marbil.
Bunsod ito ng pahayag ng Malacañang na namimili na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng posibleng ihahalili kay General Marbil.
Sinasabing ihahayag agad ng commander-in-chief ang magiging kahalili ni Gen. Marbil na nakatakdang mapaso ang extension bilang hepe ng pambansang pulisya ng bansa sa Hunyo 7.
Kabilang umano sa mga ikinokonsidera sina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.; PNP chief directorial staff Lt. Gen. Edgar Allan Okubo; National Capital Region Police Office Director Brig. Gen. Anthony Aberin; Criminal Investigation and Detection Group Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, at PNP chief for Operations Lt. Gen. Robert Rodriguez.
“Ang mga nabanggit po ninyong pangalan ay pulos po lahat ‘yan ay may integridad at magagaling,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.
“Sa ngayon po ay wala pa pong ipinapaabot sa atin. Hintayin na lang po natin ang announcement ng Pangulo patungkol diyan,” dagdag niya.
Pinalawig ni Marcos ang termino ni Marbil ng apat pang buwan epektibo mula Feb. 7, 2025, ang kanyang retirement day, upang matiyak ang katatagan para sa 2025 midterm elections
Tiwala naman si Gen. Marbil sa mga pinagpipiliang susunod na PNP chief.
“Lahat po sila magagaling,” anang heneral, subalit tumanggi itong ihayag kung may inirerekomenda ba siya sa pangulo na posibleng ihalili sa kanya.
“They have their own strengths and weaknesses. Lahat po sila capable to lead the Philippine National Police,” aniya. “Ang gagaling po ng mga ‘yan. I can assure these people are very good,” ani Marbil nang kapanayamin ng media.
(JESSE KABEL RUIZ)
