MALAKANYANG KAY IMEE: HUWAG KANG PLASTIK

PINATUTSADAHAN ng Malakanyang si Sen. Imee Marcos kaugnay ng mga pahayag nito sa pagkakasakit ng kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat gawing biro ang kalusugan ng Pangulo.

“Huwag nating gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo. Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang taong may pinagdaanang karamdaman,” ani Castro.

Dagdag pa nito: “Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami.”

Ang pahayag ni Castro ay tugon sa Facebook post ni Sen. Imee noong Sabado, Enero 24, kung saan sinabi ng senadora na wala umanong nag-aalaga sa Pangulo kaya ito nagkasakit.

“Ayan na nga ang sinasabi ko, nagkasakit na si Bongbong. Pambihira talaga. Wala kasing nag-aalaga sa kanya,” ayon kay Imee Marcos.

“Sino ba diyan sa nakapaligid sa Palasyo, sa dinami-dami ninyo ang talagang nagmamahal sa kapatid ko? Ang health niya ang bibigay. Talaga naman, kanya-kaniyang agenda kayo diyan,” ayon pa sa senadora.

Pinayuhan din niya ang Pangulo na unahin ang sarili at lumayo muna sa mga taong nakapaligid sa Malakanyang.

Matatandaang inanunsyo kamakailan ng Malakanyang na sumailalim ang Pangulo sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos makaranas ng “discomfort” dulot ng diverticulitis.

Ayon sa HealthLink BC, ang diverticulitis ay kondisyon kung saan nabubuo ang maliliit na pouches o diverticula sa colon na maaaring magdulot ng pamamaga o impeksyon, na nagreresulta sa matinding pananakit ng tiyan.

(CHRISTIAN DALE)

10

Related posts

Leave a Comment