IMPEACHMENT COMPLAINT VS BBM ‘DI APEKTADO SA KASO NI VP SARA

HINDI apektado ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa nakabinbing kaso ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema.

Ito ang nabatid sa abogadong si Bicol Saro Rep. Terry Ridon dahil magkaiba aniyang paraan ng pagpapa-impeach sa dalawang pinakamataas na lider ng bansa.

Ayon sa mambabatas, dalawang ruta ang pinagdadaanan ng impeachment case kung saan ang una ay sa House committee on justice habang ang pangalawa ay ang tinatawag na immediate transmittal sa Senado.

Ipinaliwanag ng mambabatas na dahil hindi umabot sa 1/3 na miyembro ng Kamara ang nag-endorso sa unang impeachment case laban kay Marcos, dadaan aniya ito sa House committee on justice.

Taliwas ito sa kaso ni Duterte kung saan mahigit 1/3 sa miyembro ng 19th Congress ang tumayong complainant at endorsers kaya idiniretso ito sa Senado subalit dahil hindi naaksyunan agad ay nakarating ito sa Korte Suprema kung saan idineklarang unconstitutional kaya naghain ng motion for reconsideration (MR) ang Kamara.

“Pag ang impeachment complaint ay dadaan sa committee on justice for determination of substance and form hindi po apektado dito sa motion for reconsideration,” paliwanag ng mambabatas.

Dahil dito, walang nakikita ang mambabatas na balakid para hindi umusad ang unang impeachment case laban kay Marcos na isinampa ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy party-list Rep. Jett Nisay.

Muling susugod ang Makabayan sa Kamara ngayong umaga para panumpaan sa harap ni House Secretary General Cheloy Garafil ang hiwalay nilang impeachment complaint matapos itong hindi tanggapin noong Huwebes.

Walang impormasyon kung itutuloy ng grupo ni dating congressman Mike Defensor ang pagsasampa ng ikatlong impeachment complaint laban kay Marcos na unang kumalat na ieendorso ng dalawang congressman mula sa majority bloc at isa mula sa minority bloc.

(BERNARD TAGUINOD)

25

Related posts

Leave a Comment