MALAYA NA BA TALAGA TAYO?

NITONG Sabado, Hunyo 12, ang ika – 123 taon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya na nanakop sa ating bansa ng 377 taon, o mula 1521 hanggang 1898.

Nagbuwis ng buhay ang ating mga ninuno para sa ­ating kalayaan.

Umabot muna ng 375 taon bago nag-aklas ang mga Filipino sa pangunguna ni ­Andres Bonifacio.

At sa loob ng dalawang taong pakikibaka ay nakalaya ang lahing Kayumanggi sa mga mapang-aping Espanyol.

Pagkatapos ng Espanya, Amerika naman ang nanakop sa atin matapos tayong ibenta sa kanila ng mga Espanyol.

Pero, ang mga bagong bayaning tulad ni Gen. ­Antonio Luna ay lumaban at muli ­nating nakamit ang kalayaan.

Muling nasakop ang ­ating bansa nang sumiklab ang World War 2 (WW2) kung saan Japan naman ang nanakop sa atin, pero muli tayong nakalaya pagkatapos ng giyera.

Ang karaniwang tanong ngayon, talaga bang malaya na tayo?

Hindi man natin ramdam ang pananakop sa ating ­bansa kumpara noong panahon ng Espanyol, Amerika at Japan, ay may nanakop sa ­ating teritoryong West Philippine Sea (WPS)…ang China.

Hindi man kasing gulo kumpara sa tatlong ­bansang nanakop sa atin, ang katotohanan ay mayroon na namang invasion na nangyayari ­ngayon na hindi dapat balewalain dahil baka kapag hindi tayo kumibo tulad nang hindi pagkibo ng ating mga lider, eh darating ang araw ay sakop na tayo ng China.

Isa pa sa tanikala sa ating kalayaan ay ang kahirapan at katiwalian sa gobyerno, o maging sa pribadong sektor.

Nadagdag pa ang problema nang umatake ang COVID-19.

Sa ibang bansa tulad ng South Korea, umunlad sila pagkatapos ng kanilang independence noong 1945.

Tayo, nananatiling mahirap pagkatapos na pagkatapos ng ating paglaya noong 1898.

Kahit sabihin pang nakamit natin ang totoong kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop noong 1945, hindi pa rin katanggap-tanggap na hanggang ngayon ay “third world country” pa rin tayo.

Ano ang dahilan?

Katiwalian! Ito ang problemang hirap na hirap tayong makalaya.

Ilang henerasyon na ang lumipas pagkatapos ng WW 2, hindi pa rin nareresolba ang katiwalian sa gobyerno.

‘Yung mga corrupt patuloy na umaasenso.

Pero, ang mahihirap ay lalong naghihirap.

Palayo nang palayo ang agwat ng mayaman at mahirap?

Bakit hindi nawawala ang katiwalian at palala pa nang palala?

Hangga’t hindi tayo nakalalaya sa katiwalian ay patuloy na maghihirap ang ating bansa.

Hangga’t hindi isinasapuso ng mga lider ng bansa ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani ay patuloy tayong nakatali sa dikta ng mga dayuhan.

362

Related posts

Leave a Comment