TARGET ni KA REX CAYANONG
NAGSISILBING malinaw na mensahe ang pinakahuling resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey mula sa mamamayan ng Ikalawang Distrito ng Parañaque: gusto nila ng bago, ng progresibo, at ng tapat—at ito ay sa katauhan ni Congressman Brian Yamsuan.
Ayon sa datos mula sa survey na isinagawa noong Abril 10 hanggang 14, 2025, nakakuha si Yamsuan ng 54% na suporta mula sa mga botante—malayo sa 31% lamang na nakuha ni incumbent Congressman Gus Tambunting. Ang 23% na lamang ni Yamsuan ay katumbas ng halos 50,000 boto—isang malinaw at makapangyarihang mandatong hindi maaaring balewalain.
Hindi lang ito simpleng numero. Ito’y salamin ng tiwala ng mamamayan sa isang lider na, kahit independent candidate, ay matagumpay na naipadama ang kanyang tunay na layunin: ang maglingkod nang tapat, walang bahid ng lumang pulitika, at may tunay na malasakit sa kapakanan ng bawat barangay.
Sa lahat ng walong barangay sa Distrito Dos—mula BF Homes hanggang San Martin de Porres—si Yamsuan ang nangungunang pinipili.
Hindi ito simpleng suwerte o kilig ng kasikatan. Ito ay bunga ng matiyagang pag-iikot, pakikinig, at pagkilos para sa tunay na mga isyung kinahaharap ng mga taga-Parañaque.
Ang kanyang pag-angat sa survey, mula 38% noong Setyembre 2024 hanggang 54% nitong Abril 2025, ay patunay ng tuloy-tuloy at lumalalim na suporta sa kanyang plataporma.
Sa kabilang banda, ang pababang trend ni Tambunting mula 44% patungong 31% ay nagpapakita ng kawalan na ng kumpiyansa ng publiko sa dating istilo ng pamumuno.
Hindi na sapat ang pangalan o tagal sa pwesto upang mapanatili ang tiwala ng tao. Ang kinakailangan ngayon ay lider na bukas ang tainga sa hinaing ng mamamayan at may lakas ng loob na baguhin ang bulok na sistema. Iyon si Yamsuan.
Habang papalapit ang halalan, mas lalong nagiging malinaw na si Yamsuan ang tunay na tinig ng pagbabago sa Distrito Dos ng Parañaque. Nasa kamay ng taumbayan ang kapangyarihang ito—at kung pagbabatayan ang survey, tila ba nagsisimula na ang isang bagong yugto ng pamumuno sa lungsod. Isa itong yugto na dapat lamang salubungin ng buong tiwala at suporta.
Panahon na. Cong. Brian Yamsuan ang tunay na tinig ng bagong Parañaque.
