Tahasang sinabi ni Atty. Alex Lopez na ibibigay niya ang malinis na liderato at pagbabago sa Maynila sakaling palarin na manalo sa eleksyon sa Mayo.
Sa kanyang pagdalo sa Meet the Press na ginanap sa National Press Club, sinabi ni Lopez na may mga bagay sa Maynila na kailangan ayusin at linisin.
Ayon kay Lopez, nakalulungkot lamang na may mga proyekto ang kasalukuyang liderato ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi nararapat.
Kabilang na rito ang rehabilitasyon ng Manila Zoo at mga paaralan na hindi naman ‘condemned’ subalit kinailangan na umutang para sa pagpapagawa samantalang mas kailangan ngayon ng
Manilenyo ang pagtugon sa COVID 19 at pagkain ng bawat pamilya na karamihan ay naapektuhan ang trabaho.
Nakadudurog din aniya ng puso na makita ang mga pang-aabuso umano ng ilang tauhan ng city hall sa mga vendor.
Ani Lopez, gumagawa ang mga vendor ng paraan upang mabuhay kaya dapat lamang na suportahan ito ng city government.
Kailangan aniyang alam ng city government ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat taga-Maynila. (JULIETA PACOT)
185 