CAVITE – Pinag-iingat ng Cavite Police ang publiko sa bagong modus operandi ng mga bumibili ng second hand na motorsiklo matapos i-test driver ng isang lalaki ang isang Harley Davidson Softail na motorsiklo at itinakbo ito sa insidenteng nangyari sa Cavite City noong Martes ng hapon.
Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek na nagngangalang Beboy Sugpo, na huling nakita na nakasuot ng puting may stripe na Orlando Baseball jersey na may itim na sando, maong pants, itim na sapatos at naka-military haircut.
Ayon sa reklamo sa pulisya ng biktimang si Fernando Salazar Barron, 50, negosyante, ng Barangay 50, San Antonio, Cavite City, nakilala lamang niya ang suspek sa Facebook messenger kung saan nakipagtransaksyon ito na bibilhin ang isang itim na Harley Davidson Softail na may plate number na 807 UDC.
Nagkasundo umano ang dalawa na magkikita sa bahay ng kanyang brother-in law sa nasabing barangay dakong alas-3:44 kamakalawa ng hapon kung saan sinabi ng suspek na i-test drive niya muna ang motorsiklo.
Ngunit pagsampa ng suspek sa motorsiklo ay pinaharurot ito sa direksyon ng Noveleta, Cavite at hindi na bumalik.
Sa page ng Motodeal, ang presyo ng Harley Davidson Softail sa Pilipinas ay nagsisimula sa P1,200,000.
(SIGFRED ADSUARA)
