NANINIKTIK GREGORIO SAMAT
NGAYONG araw ang simula ng 90 days campaign period ng national candidates na kinabibilangan ng senatorial wannabes at party-list organizations na gustong magkaroon ng upuan sa Kamara.
Sa Marso 28, naman magsisimula ang pangangampanya ng local candidates mula sa Congressional District Representatives, Governors, Vice Governors, Provincial Board Members, Mayors, Vice Mayors at mga konsehal ng mga bayan at lungsod.
Muli na naman tayong makaririnig ng mga pangako ng mga politiko na kesyo bibigyan nila kayo ng trabaho, iaangat ang antas ng pamumuhay, aalisin kayo sa tanikala ng kahirapan at pauunlarin ang kanilang probinsya, bayan, lungsod at bansa sa kabuuan.
Tuwing eleksyon, ganyan ang pangako ng mga politiko lalo na ‘yung matatagal na sa puwesto at ang mga botante naman ay paniwalang-paniwala sa kanila lalo na ‘yung mga nasa laylayan ng lipunan.
Na-master na ng mga politiko ang pambobola sa mga tao sa kanilang nasasakupan. Parang may doctorate degree sila sa kanilang pambobola kaya paniwalang-paniwala naman ang mga tao sa kanila.
Bababa na rin sila sa mga barangay para mambola ulit, makipagkamay sa mga taong makasasalubong nila, magmamano sa matatanda, magkakarga ng mga bata kahit gusgusin pero lahat ‘yan ay kaplastikan lamang.
Dahil kapag nanalo na, hindi mo na sila makikita at malalapitan para makamayan man lamang. At kailangan mo munang humingi ng appointment na hindi basta-basta inaaprubahan lalo na kung ordinaryong tao ka lamang.
Pero hindi tayo natututo lalo na ang mga botante kaya malaki rin ang kasalanan ng mayorya sa atin kung bakit hindi mawala ang katiwalian. Parang binibigyan natin sila ng basbas, lalo na ‘yung mga matatagal na sa puwesto pero walang silbi.
Ibinoboto lang din ng karamihan ang mga sikat at hindi pinipili ang matatalino at may kakayahan, kaya huwag na kayong magtaka na maraming payaso sa Senado ngayon dahil din sa hindi matalinong pagboto.
Sana isipin ng botante ang kinabukasan nila, kinabukasan ng kanilang mga anak, kinabukasan ng bansa sa kabuuan kapag bumoto sila at huwag na kayong magpabola muli roon sa mga walang planong mawala sa puwesto o magretiro sa pulitika.
Ilang dekada niyo na silang ibinoboto pero may nangyari ba sa inyong buhay? Nabigyan ba kayo ng trabaho? Naiangat ba nila ang antas ng inyong lugar at nakawala ba kayo sa tanikala ng kahirapan? Hindi! Alam niyo ‘yan!
May 90-araw pa tayo para mag-isip kung sino ang mga nararapat na iluklok muli natin sa puwesto. Sana naman piliin n’yo ang mga alam niyong makatutulong sa inyo at hindi dahil sikat lang sila, kung gusto niyong may magandang mangyari sa ating bayan, probinsya at bansa sa kabuuan.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)