BATANGAS – Sugatan ang isang 54-anyos na tindera matapos na pagtulungang bugbugin at gilitan sa leeg ng magkapatid dahil sa bintang na isa itong mangkukulam sa bayan ng San Luis sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.
Batay sa report ng San Luis Police, nasa labas ng kanyang bahay sa Barangay Muzon ang biktimang si Aling Lina nang dumating ang nakatatandang suspek na si Roderick De Chavez na isang OFW, at sinakal ang ginang.
Habang nagpupumiglas ang biktima, dumating ang nakababatang kapatid ng suspek na si Arnold De Chavez na armado ng kutsilyo at nilaslas sa leeg ng ginang.
Mabilis na tumakas ang dalawa subalit naaresto ng mga tauhan ng San Luis Police ang OFW sa follow-up operation.
Lumabas sa imbestigasyon ng San Luis Police, hinala ng mga suspek ay kinulam ng biktima ang kanilang nanay na pumanaw kamakailan dahil sa hindi matiyak na karamdaman. (NILOU DEL CARMEN)
