MANINDIGAN PARA SA PILIPINAS

NITO lamang nakalipas na mga araw, muling naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa bansang Tsina kaugnay ng panibagong mga pambabarako sa mga mangingisdang Pilipino sa Ayungin Shoal.

Ilan na nga bang protesta ang idinulog ng ­ating gobyerno? Ang totoo, hindi na halos mabilang kung ilan dahil sa paulit-ulit na pagbalewala ng mga Tsino sa ating pakiusap na igalang ang pasya ng ­International Arbitral Court na hayagang nagsabing hindi sa Tsina ang West Philippine Sea.

Maging ang DFA, sukdulang nagsawa na sa pagtatala ng mga insidente ng pambabarako at pagtataboy ng mga sasakyang dagat ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy at ­maging sa ating mga barkong naglalayag sa karagatang pasok sa itinakdang exclusive economic zone.

Ang siste, tila nagpapahiwatig ng pagiging siga ang Tsina matapos latagan ng mga boya at lambat ang paligid ng ating mga bahura.

Malinaw ang kalatas ng 1992 United Nations Convention on the Law of the Seas – walang bisa – kung hindi man basura, ang giit na Nine-Dash Line ng Tsina sa South China Sea.

Malinaw rin ang pahayag ng UNCLOS na walang dahilan ang Tsina na itaboy ang mga sasakyang dagat ng Pilipinas, kasabay ng paggagawad ng karapatan sa mangingisdang Pinoy sa inaangking West Philippine Sea.

Sa madaling salita, atin ang West Philippine Sea.

Ito rin ang sandigang tinuran ng susunod na Pangulo ng bansang Pilipinas. Ayon kay incoming President Ferdinand Marcos, hindi niya pahihintulutan ang Tsina – o iba pang bansa – na kumurot kahit kapiraso sa ating teritoryo.

Ang tanong – anong diskarte ang gagawin ng susunod na Pangulo?

Para kay Marcos, walang pinakamainam na paraan maliban sa diplomasya.

Hulyo 2016 naman nang katigan ng United Nations Arbitral Tribunal ang karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryong pasok sa exclusive economic zone ng bansa.

Ang totoo, ang South China Sea ay isang ­navigational route – bukas sa lahat ng sasakyang dagat sa paghahatid ng mga kalakal. ­Gayunpaman, mayroon din naman talagang sadyang pasok sa China – ito yaong 30 nautical miles na sakop ng kanilang exclusive economic zone.

Ang kapasyahan ng UN Tribunal mismo ang basehan sa likod ng pinaninindigang polisiyang inihayag ng susunod na Pangulo, kasabay na giit na mananatiling atin ang sa ganang atin.

Isa lang ang sigurado. Walang inaangking teritoryo ang Pilipinas. Anumang ipinaglalaban ng pamahalaan ay may legal na basehan. Hindi kwentong barbero.

185

Related posts

Leave a Comment