DUMATING na nga ba ang panahon para tuluyan nang isabit ni eight-division champion Manny Pacquiao ang kanyang boxing shorts matapos na siya ay supilin ng Cubanong WBA welterweight champion na si Yordenis Ugas noong Linggo (sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas?
Sa kanyang post-fight press conference ay nagpahayag siya ng ganito: “In the future you may not see Manny Pacquiao fight in the ring. I don’t know.”
Kaya marami ang naniniwala na ramdam na rin ng Pambansang Kamao ang 27 taong mga bugbog sa katawan at mukha na nagbigay sa kanya ng rekord na 62 panalo, 8-talo at 39 KOs sa kabuuang 72 laban o di kukulangin sa 158 rounds.
Kung tutuusin, matagal nang gustong magretiro si Pacquiao ng kanyang pamilya – kabiyak na si Jinkee, mga anak na sina Jimuel, Michael, Princess, Queenie at bunsong si Israel, at maging kanyang inang si Aleng Dionesia o “Mommy D” at mga kapatid.
At kung sakaling tuluyan nang tumigil sa pagboboksing si Pacman, halos siguro nang madadambana siya sa International Boxing Hall of Fame.
Sa kasalukuyan, tatlong Pilipino pa lamang ang naitataas sa IBHOF. Sila ay sina boxers Pancho Villa at Gabriel “Flash” Elorde, at promoter-matchmaker Lope Sarreal Sr.
Ang mga rekord na naitala ni Manny sa kanyng pagiging pro boxer mula noong 1995, kabilang ang pagiging tanging eight division world champ, ay inaasahang magiging daan tungo sa pagkakaluklok niya sa IBHOF.
Si Manny rin ang una at kaisa-isang humawak ng lineal championship sa limang kategorya (flyweight, featherweight, super-featherweight, light-welterweight at welterweight). Higit ito sa tatlo ni Muhammad “The Great” Ali sa nag-iisang heavyweight division.
Ang Pambansang Kamao rin ang pangatlo lamang na boksingero na nanalo sa tatlong original weight divisions na flyweight, featferweight at welterweight. Ang dalawang iba pang nakagawa nito ay sina Bob Simmons at Henry Armstrong.
Tatlong beses din siyang kinilala ng Ring Magazine, ang itinuturing na bibliya ng boksing.
Si Villa, Francisco Guilledo sa tunay na buhay, ang kauna-unahang Pilipino at Asyanong nagwagi ng pandaigdig na kampeonato matapos patulugin si Jimmy Wilde ng Britanya noong Hunyo 18, 1923 sa New York. Naidambana siya sa IBHOF noong Oktubre 1961.
Si Elorde ay naging pandaigdig na kampeon sa junior lightweight nang pabagsakin niya ang nagtatanggol na kampeong si Harold Gomez noong Marso 16, 1960 sa Araneta Coliseum.
Naipagtanggol ni “Da Flash” ang korona ng 10 beses hanggang noong Hunyo 15, 1967 para maging pinakamahabang taon na naghari sa super-featherweight.
Ang kabiyak ni Laura Sarreal, anak ng isa pang Pilipinong IBHOF na si Lope “Papa” Sarreal Sr., ay nakapagtala ng rekord na 88 panalo (33 KOs), 27 talo at dalawang titulo bago tuluyang nagretiro at kilalaning “greatest super featherweight champion of all time” ng WBC.
Si Sarreal ay kilala bilang icon ng Philippine boxing. Tanagurian din siyang “Grand Old Man of Philippine Boxing” sa naprodyus na 22 world champions, kabilang si Elorde.
Ang ilan pa sa mga naging alaga niya ay sina flyweight champ Masao Ohba, super lightweight Saensak Muangsurin at super-featherweight Ricardo Arrendondo.
Si Sarreal ay nabigyan din ng kredito sa pagpapakilala sa big-time boxing sa Korea, Thailand at Japan at pagbubukas ng Asian market sa pro boxing.
219
