ITINATAG ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong 1995 upang ipatupad ang universal health coverage sa Pilipinas. Ito ay government-owned and controlled corporation (GOCC) ng Pilipinas at nakakabit sa Department of Health. Layon nito na masiguro na mapanatili at patuloy ang national health insurance program para sa lahat.
Ang PhilHealth na naitatag sa pagpasa ng Republic Act (RA) 7875 ay pumalit sa Medicare na itinatag noong 1969 at ipinatupad noong Agosto 1971.
Ngayon, may mungkahi na ilipat ang pangangasiwa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Office of the President.
Ngunit, ayon kay DOH officer-in-charge Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi nagkaroon ng agarang kasunduan at binuo ang technical working group upang pag-aralang maigi ang panukala.
Ang tanong: Ito ba ay angkop na panukala sa ikabubuti ng pangangasiwa upang mapaigi lalo ang serbisyo sa publiko?
Nakakaalarma ang balak na ilipat ang pangangasiwa ng PhilHealth sa OP.
Ang hakbang, ayon sa Akbayan Party, ay pagtatangka upang makaiwas sa oversight and public accountability.
Dapat ipaliwanag ng DOH at PhilHealth ang tunay na layunin ng paglipat upang maiwasan ang pagdududa ng publiko, na hindi pa rin nakalilimot sa iskandalo na nangyari noong nakaraang administrasyon.
Ang dapat na inuuna ay ang pagtatalaga ng kalihim ng DOH dahil ang kalusugan ng mamamayan ay nasa kamay ng mga daludhasa, hindi sa opisina ng Presidente.
Ano nga ba ang interes ng OP sa planong ito? Ang ordinaryong Pilipino ba ang makikinabang?
Pero kung ang malaking pondo ng state health insurer ay nakasisilaw na pang-akit para sa nagkakawindang-windang na Maharlika Wealth Fund, hindi kalusugan ng publiko ang pinupuntirya.
Iba ang lusog sa busog. At mahirap paniwalaan ang nagsasabing “magtiwala ka sa amin”.
171