CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MABUTI na kaysa wala. Nag-increase nga, pero katiting lang ang epekto. Ilan lang naman ito sa saloobin ng ilang pensyonado hinggil sa inanunsyo ng Social Security System (SSS) na 3-taong pension increase simula Setyembre 2025 sa 3.8 milyong pensyonado.
Ayan, sa susunod na buwan, may sampung porsyentong dagdag sa pension para sa retirement at disability pensioners, at 5 percent dagdag sa mga survivor pensioner.
Ipatutupad ang dagdag-pension sa tatlong taong parte kada Setyembre.
Pwede na ba ang tipak-tipak na dagdag sa pensyon?
Maghihintay na naman pala ng susunod na taon para sa muling dagdag.
Kaya matapos ang tatlong taon, ang pension ay tataas ng halos 33% para sa retirement o disability pensioners at 16% sa death o survivor pensioners, sabi ng SSS.
Naku, biro nga ng iba ay sinasabing nasa huling biyahe na ang mga senior. O nasa departure area na kaya hindi na dapat pinaghihintay pa.
Bakit hindi na lang gawing isang bagsakan ang idaragdag.
Mapapaboran ng dagdag ang malaki ang buwanang pension, pero ang maliit ang tinatanggap ay nganga pa rin.
Tuusin natin. Ang P2,200 buwanang pension ay may dagdag lang na P220 kaya bale P2,420 ang suma total, habang ang pensyong P10,000 ay may increse na 1k.
Kaya dapat nilakihan ang kontribusyon noon para mataas ang pension. Kaso karamihan ay nagsikap na maghulog ng minimum na kontribusyon dahil iyon lang ang kaya.
Pero, sana ibinigay na lang ang ikalawang P1k increase, na kasunod ng ipinagkaloob noong 2017.
Sabagay, kaya pa atang maghintay ng mga pensyonado.
Biyaya pa rin ang kahit konting awa.
o0o
Pumalo na sa 112,729,484 ang kabuuang populasyon ng Pilipinas noong Hulyo 1, 2024.
Opisyal na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resulta ng 2024 census ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bisa ng Proclamation No. 973.
Ayon sa datos mula sa PSA, tumaas ng 3.69 milyon ang populasyon mula sa 109.04 milyon noong Mayo 1, 2020.
Whew! Ang laki na ng populasyon ng Pilipinas.
Malamang daw na sumirit sa 138.67 milyon ang bilang ng populasyon sa 2055.
Pang-14 ata ang Pinas sa pinakamataong bansa sa mundo, at pampito sa Asya.
Sabagay, bumagal ang antas ng paglaki ng populasyon sa 0.80 percent kada taon mula 2020 hanggang 2024, kumpara sa 1.63 growth rate mula 2015 hanggang 2020.
Kung tuloy-tuloy ang pagbaba ng bilang ay baka nga bumaba rin ang populasyon ng bansa.
Baka diyeta ang mga kopol-kopol dahil mataas ang mga bilihin at hindi sapat ang kinikita para tustusan ang pangangailangan.
Hindi na kaya ng bansa na lumago nang husto ang bilang ng mamamayan.
Ang dami nang sisilbihan pero, pinagkakaitan naman kasi dahil ‘yung ibang politiko ay pansariling kapakanan ang inuuna kaysa sa interes ng taumbayan.
Teka, higit 112 milyon ang Pinoy, habang umakyat sa halos P17 trilyon ang utang ng bansa.
Kuwentahin nyo kung magkano ang utang ng bawat isa sa atin.
Sabi nga, hindi pa ipinapanganak ay may utang na, utang ng kanunununuan hanggang sa apo sa tuhod, apo sa talampakan etsetera .. etsetera.
