Marcos Jr. nanguna sa pagtatanim ng mga puno BALIK-KAGUBATAN SA DATING BASURAHAN

SA gitna ng kabi-kabilang kalamidad na dulot ng pagkawasak ng kalikasan, inilunsad ng Palasyo ang isang agresibong programang magbabalik “alindog” ng luntiang kagubatan.
Bilang pambungad, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Rizal, mga alkalde ng 14 na lokalidad, Environment Sec. Ma. Antonio Yulo, Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, at mga pulis mula sa Rizal Provincial Police Office, sa pagtatanim ng mga puno sa 108-ektaryang lupain sa Sitio Pintong Bukawe, sa bayan ng San Mateo.

Partikular na tinukoy ng Pangulo ang 108-ektaryang bahagi ng Marikina Watershed Area na aniya’y lubhang napinsala sa mga nakalipas na panahon bunsod ng pagtatayo ng isang tambakan ng basura sa loob mismo ng isang “protected watershed area.”

Sa loob ng mahigit dalawang dekada, nagsilbing tambakan ng basura mula sa Metro Manila ang San Mateo Sanitary Landfill na itinayo sa ilalim ng administrasyong ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino. Taong 2000 naman nang tuluyang isara ang naturang pasilidad bunsod ng kabi-kabilang protesta ng mga residente mula sa lalawigan ng Rizal.

Paniwala ng Pangulo, walang mapaminsalang pagbaha at pagguho ng lupa kung maibabalik ang mga puno sa nakakalbong kagubatan.

Kasabay nito, nanawagan din si Marcos sa mga lokal na opisyal para sa agresibong programang naglalayong magamit ang mga nalalabing kabundukan bilang kaagapay sa isinusulong na sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.

Aniya, pwedeng gamitin ang nalalabing mga lupa ng pamahalaan para sa taniman ng gulay, prutas at gamitin sa paghahayupan.

“Hindi biro ang epekto ng Climate Change sa atin. Pero walang dahilan para ipagwalang-bahala dahil ang totoo may magagawa tayo,” sambit ng Pangulo.

Kabilang din sa mga nakilahok sa pagtatanim mga puno ng prutas ang mga kawani mula sa hanay ng Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines.

Dumalo din sa programa sina Rizal Governor Nina Ynares, amang dating Gob. Ito Ynares, Binangonan Mayor Cesar Ynares at Angono Mayor Jeri Mae Calderon. (ENOCK ECHAGUE)

231

Related posts

Leave a Comment