MARCOS SUPORTADO SA K-12 PROGRAM REVIEW

(BERNARD TAGUINOD)

SINUPORTAHAN ng militanteng grupo sa Kamara ang direktiba ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na rebisahin ang Enhanced Basic Education Act o K to 12 law ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro na kabilang sa Makabayan bloc sa Kamara, nagbunga ng samut-saring problema ang nasabing programa na unang ipinatupad ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaya nararapat na rebyuhin ito.

“The K to 12 program has brought with it a countless number of problems with shortages in facilities, learning materials, and lacks support for adequate salaries and benefits for teachers and non-teaching personnel which ultimately compromises the quality of education the students receive,” ayon sa mambabatas.

Ito aniya ang dahilan kaya sinusuportahan nila ang direktiba ni Marcos kay incoming DepEd Secretary at Vice President-elect Sara Duterte na rebyuhin ang nasabing programa.

Naging batas ang K-12 program noong 2013 kung saan dinagdagan ng dalawang taon ang basic education sa bansa kaya nagkaroon ng junior at senior high school.

Sinabi ni Castro na naging pabigat ang nasabing programa hindi lamang sa mga estudyante at mga guro kundi sa mga magulang na nadagdagan ang gastos sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.

Subalit ang masaklap na katotohanan ay lalo umanong bumagsak ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa halos isang dekada dahil pilit ipinatupad ang programang ito na hindi handa ang gobyerno.

Hindi rin nangyari ang ipinangako ng batas na ito na magkakaroon ng trabaho ang K-12 graduates dahil hindi umano inihanda ang mga estudyante at wala ring mapapasukan ang mga ito.

“K to 12 program will not solve perennial problems in the quality of education and unemployment,” ayon pa kay Castro.

Naging dahilan din aniya ang batas na ito sa patuloy na pagtaas ng budget ng education department.

147

Related posts

Leave a Comment