INALMAHAN ni Senador Imee Marcos ang umano’y “double standard” o magkasalungat na pamantayan ng pamahalaan sa pagsugpo sa COVID-19 .
Ang pahayag ng senador ay makaraang payagan nito ang mga empleyado ng gobyerno na huwag nang dumaan pa sa testing at quarantine sa local government units (LGUs) kung saan sila dumating para sa opisyal na gawain.
Binigyang-diin ni Marcos na ang nasabing special treatment ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga empleyado ng gobyerno ang mas magpapahirap sa mga LGU na kontrolin ang pagkalat ng impeksyon at hikayatin ang kooperasyon ng kanilang nasasakupan.
“Ito’y masyadong mapangahas at delikado. Bakit ba kung sino pa ang mga empleyado ng gobyerno na dapat unang maging halimbawa ang bibigyan pa ng exemption sa mga quarantine at health protocols?” ani Marcos.
“Ito’y kontra o labag sa lohika, na i-exempt sila sa covid testing at quarantine. Kahit pa sila’y nasa ‘linya ng tungkulin,’ papalagan yan ng mga tao. Kailangan magpahinga rin ang IATF, matulog at magrelax. Nakaka-burnout trabaho niyo,” dagdag ni Marcos.
Sinabi pa ng senador na dahil hindi tiyak ang madaliang suplay ng bakuna para sa buong mundo, iginiit ni Marcos na ang IATF ang dapat na unang sumunod sa maigting na kampanya nito na “test, trace and treat” habang hindi pa nasisimulan ang maramihang pagbabakuna sa taumbayan.
“Kapos sa produksyon ang mga gumagawa ng bakuna kesa sa una na nilang pinangako, kaya napipilitan ang European Union na higpitan ang pag-export nito. ‘Yung mga bansa kung nasaan ‘yung mga pharmaceutical firms na nangako sa Pilipinas, siyempre uunahin munang siguruhin ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mamamayan,” babala ni Marcos.
Tinukoy rin ng senador ang pinakahuling napag-alaman sa ilang Western countries na may mga kasong tinamaan pa rin ng sakit ang mga naturukan na ng COVID-19 vaccines. (NOEL ABUEL)
