POSIBLENG ma-extend pa ng ilang linggo si Police Lt. General Vicente Danao Jr., bilang Officer-in-Charge ng Philippine National Police.
Ilang araw na ang nakalipas mula nang opisyal na nanungkulan bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas si Presidente Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos Jr., ay hindi pa naghahayag ang Malacanang kung sino ang itatalagang chief PNP ng administrasyon nito.
Inihayag ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na maaaring abutin pa ng ilang linggo bago maitalaga ang unang hepe ng Pambansang pulisya sa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Ayon kay Abalos, kailangan na masusing pag-aralan kung sino ang hihirangin sa PNP. Dapat ay may kakayahan at integridad ito na pamunuan ang pambansang kapulisan.
Kabilang pa rin umano sa mga top contender na pinagpipilian si Danao ng miyembro ng PMA ‘Sambisig’ Class of 1991.
Kasama rin sina PMA ‘Makatao’ Class of 1989, PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel Sermonia at PNP Director for Operations, Maj. Gen. Val de Leon sa mga matunog na posibleng susunod na PNP chief.
Si Lt. Gen. Danao ay magreretiro sa August 10, 2023 habang si Lt. Gen. Sermonia ay sa January 26, 2024; si Maj. Gen. de Leon naman ay sa na May 7, 2023.
Samantala, may mga nakaabang din sa hanay ng militar kung magtatalaga ba ng bagong AFP chief of Staff. May mga nagtatanong kung papalitan ni PBBM si AFP chief of staff, General Andres Centino ng PMA ‘Maringal’ Class of 1988 na sa darating pang February 2023 nakatakdang magretiro.
(JESSE KABEL)
