PUNA ni JOEL O. AMONGO
KAMAKAILAN sa isinagawang Motorcade Caravan ng grupo nina Mike Defensor ay nakaranas sila ng panghaharas mula sa mga kagawad ng pulisya sa Cebu.
Tapos na ang motorcade ng grupo nina Mike Defensor at kasalukuyan na lamang kumakain ang mga nakiisa nang paghuhulihin ang mga motor na nakaparada sa isang lugar sa Cebu.
Sa kabila ng pakiusap ni Mike Defensor sa mga awtoridad na pabayaan na lamang na makauwi na ang mga may-ari ng motor ay hindi pumayag ang mga pulis ng Cebu.
Sinabi ng mga pulis kay Defensor na may utos daw mula sa itaas na hulihin ang mga motor na sumama sa nasabing motorcade.
Ang layunin ng Motorcade Caravan ng grupo ni Mike Defensor ay upang kondenahin ang korupsyon na kinasasangkutan ng mga senador, kongresista at iba pang gov’t officials at pagkidnap kay FRRD na ngayon ay nasa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Dahil ayaw pakawalan ng mga pulis ang mga motorsiklo ay inako na lamang ng isang blogger na si Jun Abines na siya na lang ang ikulong kapalit ng mga motor na kanilang pinaghuhuli.
Ang ganitong klaseng pamamaraan na ginagawa ng administrasyon ay isang pagpapakita ng pananakot sa mga Pilipino para hindi na sila sumama sa anomang hakbang para labanan ang katiwaliang nangyayari ngayon.
Isa itong pagpapakita ng kasalukuyang administrasyon na ginagamit nila ang pwersa ng gobyerno gamit ang pondo ng taumbayan para pigilan ang mga kumokontra sa korupsyon sa ilalim ng pamumuno ni Junjun Marcos.
Mas inuuna ng administrasyon ni BBM na kasuhan at pigilan ang mga nagsisiwalat o lumalaban sa korupsyon na kinasasangkutan ng mga kongresista, senador, cabinet secretaries, undersecretaries, DPWH engineers at iba pang mga opisyal ng gobyerno na bumubuo ng sindikato sa pamahalaan.
Mistulang papogi lang ng BBM admin ang pagtatag ng “Isumbong mo sa Pangulo Website” at “Independent Commission for Infrastructure (ICI)” dahil pinipili lang ang kanilang tinatanggap para imbestigahan.
Sa katunayan, ayon kay dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, ang Ilocos Norte na si Rep. Sandro Marcos ang kongresista, ay nakitaan din ng substandards flood control projects, at isa sa may pinamalaking pondo sa nabanggit na mga proyekto, ngunit hindi iniimbestigahan ng ICI.
Kamakailan tinaguriang “Pork Barrel Kings” si Sandro Marcos at ang tiyuhin nitong si dating Speaker Martin Romualdez dahil sila ang pinakamalalaking nakakuha ng pondo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa kanilang mga proyekto.
Matatandaan natin noong 2024 sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Junjun Marcos ay sinabi niyang mayroong 5,500 flood control projects ang kanyang administrasyon na natapos na at may ginagawa pa.
Kalaunan noong 2025 SONA ay sinabi niya namang “Mahiya Naman Kayo!” Dahil sa pagtama ng mga kalamidad sa bansa ay binaha ang maraming lugar kung kaya’t hinanap sa kanya ng mga Pilipino ang ipinagmamalaki nitong 5,500 flood control projects, subalit wala siyang naipakita.
Kung kaya’t laging sinasabi ni PCO Usec. Claire Castro na si PBBM ang nagbulgar sa nasabing korupsyon kaya hindi siya nakinabang sa korupsyon sa DPWH.
Kalaunan ay idiniin ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kanyang Part 1, 2, 3, 4, 5 at 6 videos expose at itinuturo na sina Junjun Marcos at pinsan nitong si dating Speaker Romualdez na kanyang mga amo, ang nag-uutos sa kanya para sa pagkakaperahan.
Sinabi pa niya naghahatid siya ng male-maletang pera sa mga bahay ng magpinsan (BBM at Martin) na nagmula sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.
Dahil sa pagkakasingaw ng trillion pisong korupsyon sa ilalim ng BBM admin na nagsimula noong 2023, 2024 hanggang sa pinakakorap na 2025 National Budget, ay tila parang Martial Law na ang umiiral ngayon.
Lahat ng mga bumabatikos sa nabanggit na korupsyon ay isa-isa nilang kinakasuhan upang patahimikin ang mga ito sa kanilang pagbatikos laban sa administrasyon.
Sa kabila ng pagsasampa ng mga kaso ng BBM admin sa mga lumalaban sa korupsyon ay lalo pa itong dumarami at hindi sila titigil hangga’t hindi napananagot ang tunay na utak ng nakawan sa kaban ng bayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
3
