MAKARAAN ang halos dalawang linggo, nananatiling problema sa mga lalawigang hinagupit ng bagyong Odette ang kawalan ng tubig at kuryente.
Bagama’t may mga pagsasaayos nang isinasagawa sa ilang lalawigan, mukhang magtatagal pa ang perwisyo sa mamamayang sinalanta ng delubyo – bagay na tila tanggap ng mga residenteng pinili na lamang manawagan ng donasyong generator sets kesa hintayin ang pagtugon ng gobyerno.
Ayon mismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kakapiraso pa lamang sa kabuuang tinamaan ng perwisyo ang nakikitaan ng liwanag.
Kabilang sa mga lalawigang problemado ang Bohol kung saan nanatiling mailap ang liwanag bunsod ng kawalan ng kuryente sa buong probinsyang higit na kilala sa kanilang Chocolate Hills, beach resorts at kakaibang kulturang kahali-halina sa mga turista.
Ayon mismo sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), 183 poste ng kuryente at limang transmission towers ang ibinuwal ng bagsik ng bagyong Odette sa Bohol pa lamang, isang matinding hamong posibleng abutin pa ng Pebrero ng susunod na taon, saad naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pero iba ang diga ng Department of Energy (DOE). Anila, maisasaayos ang mga linya ng kuryente bago mag-halalan, isang pahayag na lubhang ikinalungkot ng mamamayang tila binihag ng pangako kapalit ng boto sa kung sino man ang mga susuportahan ng administrasyon.
Dahil ba sa walang perang pantugon ang gobyerno? Hindi nga ba’t tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagliang aksyon sukdulang gamitin ang iba pang pondong laan sa ibang proyekto?
Ang tanong – bakit kailangan pang paabutin ng halalan ang pagsasaayos ng mga sinalantang lalawigan?
