MAYNILA — Isinusulong ni Senadora Camille A. Villar ang mas mataas na pondo para sa edukasyon at inobasyon upang maihanda ang bagong henerasyon ng mga kabataang Pilipino na maging bihasa sa larangan ng agham at teknolohiya.
Pinangungunahan ni Villar ang pagtalakay sa panukalang 2026 budget ng Department of Science and Technology (DOST) at mga attached agencies nito, kabilang ang Philippine Space Agency (PhilSA). Isa sa mga pangunahing tinututukan ng senadora ay ang pagpapalawak ng mga scholarship program at pagpapatibay ng mga inisyatibong magpapalakas sa inobasyon at pananaliksik sa hanay ng kabataan.
Ibinahagi ni Villar na habang tinatapos ng Senate Committee on Finance ang ulat, layon niyang maisulong ang mas malaking pondo para sa mga iskolar sa agham, partikular sa ilalim ng Philippine Science High School System (PSHSS) o “Pi-say.”
Kabilang sa kanyang mungkahi ang karagdagang ₱300 milyon upang mapataas ang buwanang benepisyo ng mga iskolar at masuportahan ang pagdami ng mga mag-aaral. Para kay Villar, ang hakbang na ito ay isang pamumuhunan sa kinabukasan ng bansa at paraan upang hikayatin ang mga talentadong Pilipino na manatili at magtagumpay sa sariling bayan.
“Ngayon ang tamang panahon para itaguyod ang bagong henerasyon ng mga Pilipinong may talento,” ani Villar. “Sa panahon na mabilis ang pagbabago sa agham at teknolohiya, dapat tiyakin nating hindi mapag-iiwanan ang ating kabataan. Kapag sila ay ating pinalakas dito sa Pilipinas, maaari silang umunlad at mag-ambag sa pag-unlad ng ating bansa.”
Bilang pinakabatang senador sa ika-20 Kongreso, binigyang-diin ni Villar na maraming kabataang Pilipino ang may angking talino at determinasyon, ngunit kadalasan ay kulang sa sapat na institusyonal at pinansyal na suporta. Aniya, sa pagpapatuloy ng tulong at pagbibigay ng oportunidad, makabubuo ang bansa ng workforce na handa para sa hinaharap.
“Ang mga science high school sa buong bansa ay tahanan ng ilan sa pinakamahuhusay na kabataan ng ating panahon. Ang pagpapalakas ng suporta sa mga institusyong ito ay pamumuhunan sa kakayahan ng ating bansa na maging sentro ng inobasyon,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin pa ni Villar na mahalaga ang pagpapaunlad ng lokal na eksperto sa agham at teknolohiya bilang susi sa pangmatagalang pag-unlad ng bansa. Sa pamamagitan ng matatag na ugnayan ng pamahalaan, paaralan, at pribadong sektor, maitataguyod ang mga oportunidad para sa mga iskolar at innovator upang maipagpatuloy ang kanilang mga ideya tungo sa mga industriyang magpapalago ng ekonomiya.
“Ang edukasyon at inobasyon ang dalawang makina ng mas maunlad na Pilipinas,” ani Villar. “Kapag nabigyan natin ang kabataan ng tamang kagamitan, suporta, at oportunidad, hindi lamang sila makikiayon sa hinaharap — sila mismo ang huhubog nito.”
(Danny Bacolod)
89
