TODO ang ginagawang pagbabantay ngayon ng Office of the Civil Defense (OCD) sa paparating na tropical storm na may international name na Fung-Wong, na inaasahang lalakas pa at magiging Super Typhoon Uwan bago tumama sa Central at Northern Luzon.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration Asec. Rafaelito Alejandro IV, malawak ang rainband o sirkulasyon ng bagyo at posibleng magdulot ng matinding pagbaha sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang na ang mga lugar na dati nang binabayo ng tubig-baha.
“Base sa track, inaasahang tatama ito mula Aurora hanggang Tuguegarao, Cagayan area. Mahigpit nating binabantayan ang direksyong tinatahak nito upang maagang mabalaan ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa coastal at low-lying areas sa Southern at Northern Luzon,” ayon kay Alejandro.
Kaugnay nito, naglabas na ng mga babala at direktiba ang OCD at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mga lokal na pamahalaan na posibleng tamaan ng bagyo.
Batay sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Uwan (Fung-Wong) Biyernes ng gabi o madaling-araw ng Sabado.
Inaasahang lalakas ito bilang typhoon sa Biyernes at aabot sa super typhoon category pagsapit ng Sabado. May mataas na posibilidad na mag-landfall sa Northern o Central Luzon sa Lunes.
Sa typhoon bulletin ng PAGASA na inilabas Huwebes ng umaga, huling namataan ang tropical storm sa layong 1,690 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 75 km/h malapit sa gitna, bugso hanggang 90 km/h, at kumikilos pa-northwest sa bilis na 10 km/h.
(JESSE RUIZ)
188
