INIULAT ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa P43.8 billion na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa bloodless anti-drug campaign simula nang mag-umpisa ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 2022.
Ang nasabing datos ay tatlong beses na mas mataas kumpara sa P14.3 billion na halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa ilalim ng termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ang war on drugs ng Duterte admin ay nabahiran din ng kontrobersiya dahil sa mga ulat hinggil sa umano ay extrajudicial killings ng mga hinihinalang drug users at dealers, at mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng Marcos admin, sumentro ang estratehiya sa pagsasagawa ng ‘bloodless drug war.’ Kinapapalooban ito ng intelligence-driven operations na layong masolusyonan ang problema sa ilegal na droga nang hindi nagkakaroon ng karahasan.
Kasabay ng pagtaas ng datos ng nakumpiskang illegal drugs sa ilalim ng Marcos admin ay bumaba ang mga insidente ng karahasan.
Ayon sa datos ng PNP, mula July 2016 hanggang May 2019, nakakumpiska ng P14.3 billion na halaga ng ilegal na droga sa ilalim ng kontrobersyal na crackdown ng Duterte admin.
Habang sa kasalukuyang administrasyon, umabot na sa P43.8 billion ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga mula July 2022 hanggang May 17, 2025.
Inaasahan din ayon sa PNP na tataas pa ang datos kasunod ng utos ni Pangulong Marcos na mas palawigin pa ang mga operasyon hindi lamang laban sa mga high-value target kundi maging sa mga small-scale drug offenders.
Noong nakaraang taon, iginiit ng Pangulo ang pagtutok ng kanyang administrasyon sa drug policy na layon ding maiwasan ang karahasan at extrajudicial killings.
Bilang tugon naman sa mga ulat na paglaganap muli ng illegal drugs sa bansa, sinabi ng Pangulo na kailangang magtuluy-tuloy ang pagkakasa ng drug busts.
Sa isang panayam, sinabi rin ni Pangulong Marcos na bagaman naka-sentro ang mga ahensya sa small drug dealers, mahalagang nasusunod pa rin ang due process at hindi dapat basta-basta na lamang kikitilin ang buhay ng mga suspek.
Kasabay nito ay tiniyak naman ng Pangulo na tuluy-tuloy rin ang mga operasyon laban sa mga big time na sindikato ng droga.
