MAS PRODUKTIBONG LIPUNAN SA TULONG NG MABILIS NA SERBISYO NG INTERNET

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

KUNG maghahanap ­online ng listahan ng mga ­bansang may pinakamabibilis na internet, laging nababanggit ang bansang South Korea, Japan, Hong Kong, Singapore, at Switzerland. Bukod sa pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet, ang mga nabanggit ay mga mauunlad din na bansa.

Ang pagiging produktibo ng lipunan ay isa sa mga ­katangian ng maunlad na bansa, at sa makabagong panahong ito, tiyak na malaki ang kinalaman ng pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet sa antas ng ­pagiging produktibo ng mamamayan.

Noong taong 2020, ang pagkakaroon ng serbisyo ng internet ay naging isang napakalaking bahagi ng ating buhay dahil kabi-kabila ang ipinatutupad na mga community quarantine. Ito rin ang naging daan upang magpatuloy ang mga kumpanya at negosyo na makapaghatid ng produkto at serbisyo nila sa mga konsyumer.

Sa pagpapatuloy ng serbisyo sa customer sa gitna ng pandemya, ­maraming kumpanya, kagaya ng Manila Electric Company ­(Meralco), ang sumailalim sa digital transformation upang ­masigurong ang mga produkto at serbisyo nito ay maaari pa ring mapakinabangan ng mga customer habang sila ay nasa bahay lamang.

Bagaman naging matagumpay ang layunin ng Meralco at ng ibang kumpaya at mga negosyo, tila hindi ito sapat dahil nariyan pa rin ang pangangailangan ng mas mabilis na serbisyo ng internet sa bansa. Batid ang pangangailangang ito, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang nagpahayag ng kautusan ukol sa pagpapabilis ng serbisyo ng internet sa bansa para sa lahat. Binigyang-diin din niya ang pangangailangang siguruhin na walang sino mang Pilipino ang mapag-iiwanan sa inis­yatibang ito.

Bilang tugon sa tumaas na demand sa mabilis na serbisyo ng internet dulot ng pandemya, ipinatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang common tower policy na naglalayong paigtingin ang ICT services sa ating bansa.

Sa ilalim ng nasabing polisiya, ang pagpapatayo at pangangasiwa ng mga tower sa bansa ay hindi na ­responsibilidad ng mga telco company. Sa halip na sila ­mismo ang namumuhunan dito, mayroong mga ­kumpanyang lisensyadong mangasiwa at magpatakbo nito. Sa ganitong sistema, bababa ang gastos ng mga telco sa kanilang operasyon dahil maaari nang maghati-hati ang mga ito sa paggamit ng mga tore. Bilang resulta, lalawak na ang serbisyo, bababa pa ang ­presyo – isang bagay na tiyak na kapaki-pakinabang para sa mga customer.

Isa sa mga kumpanyang miyembro ng industriya ng common tower ang MIESCOR Infrastructure Development Corp. (MIDC). Ito ay isang bagong kumpanyang magkasosyong ipinatatakbo ng Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR), isa sa mga subsidiary ng Meralco, at ng Stonepeak, isang global ­infrastructure investor na base sa Estados Unidos.

Kamakailan, pumirma ang MIDC at Globe Telecom sa isang sale at leaseback agreement na nagkakahalagang P26.2 bilyon. Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ipinagbili ng Globe ang 2,180 na tower at iba pang mga imprastraktura nito sa MIDC. Matapos ang bentahan, ang Globe ay magsisilbing anchor tenant ng mga naturang tower sa loob ng 15 taon.

Nawa’y dumami pa ang ganitong pagkakataon para sa mga kumpanyang gaya ng MIDC upang mas mabilis na maisulong ang pagpapaigting ng serbisyong ICT sa bansa. Ito ay isa sa mga susi upang mas lalong tumaas ang antas ng pagiging produktibo ng ­lipunan. Nawa’y balang araw, ang Pilipinas ay maisasama na rin sa listahan ng mga maunlad na bansang may mabilis na serbisyo ng internet sa mundo.

367

Related posts

Leave a Comment