BISTADOR Ni RUDY SIM
SA umpisa pa lamang ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay naging mainit na ang tumbong ng ilang politiko at ilang makapangyarihang grupo laban kay Atty. Vic Rodriguez, nariyan ang iba’t ibang demolition job at fake news upang sirain ang kredibilidad nito bilang executive secretary.
Dahil sa epektibong brand of leadership ni Rodriguez ay naging tinik ito sa kanilang lalamunan at maraming nasagasaan partikular ang mga taong may pansariling interes upang makakuha ng kapangyarihan sa pamahalaan kaya pinatigpas ito sa pwesto.
Maraming mapanirang indibidwal ang naglulutangan gamit ang social media na nililinlang ang publiko upang magpakalat ng malisyosong paratang laban sa opisyal. Nitong nakaraan lamang ay buong tapang na hinarap ni Rodriguez ang mga nag-aakusa sa kanya sa Senado, may kinalaman ito sa sugar importation, ngunit lumabas pa rin ang katotohanan at inabswelto ito ng mga senador at inirekomendang ang mga dating opisyal ng Sugar Regulatory Administration ang nararapat na kasuhan.
Ngunit tila hindi matanggap ng mga mapanirang grupo ang katotohanan na walang ilegal na naging hakbang si Rodriguez sa pamahalaang Marcos kaya’t itinulak pa rin ng mga ito ang kanilang hidden agenda.
Dapat din na maging mahinahon ang Pangulo sa kanyang desisyon dahil habang nagkakagulo sa kanyang tahanan sa likod nito ay tuwang-tuwa ang mga kalaban sa pulitika para gamitin ito na paninira sa administrasyon.
Hanggang noong nakaraang Biyernes ay isang news anchor ang halos naglabas ng kanyang sama ng loob sa kanyang live streaming program at muling binanatan si Rodriguez. Ayon dito, hindi nito umano pinag-iinitan ang opisyal at tila inuudyukan pa ang BBM supporters na kung talagang mahal nila ang Pangulo ay dapat na suportahan itong mapatalsik sa puwesto si Rodriguez. Teka!
Nakakalimutan mo na yata ang pagiging responsible journalist.
Alam naman ng lahat na mayroong pinagdaraanan ang iyong anak na may karamdaman at tayong mga magulang ay gagawin ang lahat kahit kumapit sa patalim, upang makalampas ang ating mahal sa buhay laban sa mga pagsubok. Ngunit, napakahalaga ng pananampalataya sa ating Panginoon, na huwag manlalamang o maninira ng kapwa dahil lamang sa utang na loob. Siguro naman alam mo ‘yan!
Hindi maituturing na scoop sa ating propesyon sa pamamahayag ang iyong inilabas na draft special at administrative order, ito ay malinaw na mayroong ahas sa Palasyo na nilabag ang confidentiality ng dokumento.
Ang iyong komento ay biased para silipin ang mga plano ni Rodriguez sa kanyang posibleng magiging bagong trabaho sa Pangulo, na nais lamang mapabuti ang kanyang paglilingkod sa bayan.
Ang kusang pagbaba sa puwesto ni Atty. Rodriguez bilang ES ay pagpapakita ng pagmamahal at katapatan sa Pangulo at sa Bayan.
Kaya ikaw, Tunying, huwag gamitin ang popularidad para lamang makapanira ng isang tao.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
