MASS REGISTRATION SA NAT’L ID, SISIMULAN SA OCT. 12

MAGSASAGAWA ang Philippine Statistics Authority ng mass registration para sa National ID System simula Oktubre 12.

Ito’y kasunod ng pagkakaurong nito mula sa unang petsa sa Hulyo dahil na rin sa COVID-19.

Sinabi ni PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista na prayoridad nilang mairehistro ang nasa 5 milyong low- income households mula sa Department of Social Welfare and Development.

Ang Step 1 ng registration process ay ang pagpunta sa mga tahanan ng napiling pre-registrants para makuha ang kanilang impormasyon at ma-iskedyul ang pagputa sa registration center.

“Sila ang pupuntahan namin at uunahin namin silang ipre-registrer o pag-capture ng kanilang information para po pagdating nila sa registration center mas mabilis na ang kanilang pag-aantay at pila.

Maglalagay kami ng schedule,” sinabi ni Bautista.

Ang Step 2 ay kapag ang pre-registrants ay magpupunta sa registration centers sa Nov. 25 para sa kanilang biometric capture.

Sinabi pa ni Bautista na may dagdag na 4 million na tao ang iiskedyul para sa rehistro.

“All in all, ang ipepre-register namin before the end of the year is 9 million pero ‘yung 5 million na household head ay pupunta na sila sa registration centers,” sinabi nito.

Sa susunod na taon, target nilang maiparehistro ang 45 million na tao at panibagong 42 million sa 2022.

Libre ang registration at ID.

Huwag iitsapuwera

Kaugnay nito, hindi dapat iitsapuwera lalo na sa serbisyo publiko tulad ng edukasyon at kalusugan ang mga Filipino na hindi kukuha ng National ID.

Ito ang apela ni ACT party-list Rep. France Castro matapos sabihin ni Sen. Panfilo Lacson na lahat ng mga Filipino na hindi kukuha ng ID ay parang pinili na wala silang sariling identity at hindi nag-e-exist.

“How can a policy be voluntary when the consequence of opting not to register is not being able to exist? You exist regardless of your lack of ID,” sagot ni Castro kay Lacson.

Labis na nabahala si Castro sa babalang ito ni Lacson dahil mistulang kapag walang ID ang isang Filipino ay wala na itong karapatan sa serbisyo ng gobyerno.

“Hindi maaaring talikuran ng estado ang kaniyang mandato na magbigay ng serbisyo sa kahit sinong Pilipino dahil lamang hindi siya nag-register para sa national ID system,” ani Castro.

Base sa nasabing batas, hindi oobligahin ang mga tao na kumuha ng ID na iiisyu ng PSA kundi voluntary lamang ito.

Ipinaliwanag ng mambabatas na maraming Filipino ang ayaw kumuha ng national ID dahil sa panganib nito sa kanilang privacy dahil nakapaloob sa ID na ito ang mga impormasyon hinggil sa kanilang pagkatao na puwedeng kalkalin ng gobyerno anomang oras.

“Hindi tayo pumapayag sa ‘No ID, No Entry’ para sa pampublikong serbisyo ng gobyerno na dapat tinatamasa ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Castro. (CATHERINE CUETOBERNARD TAGUINOD)

145

Related posts

Leave a Comment