Matapos maperwisyo mga motorista FREE TOLL SA NLEX LUMARGA

SIMULA kahapon Miyerkoles, Setyembre 2, libre na ang toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) para sa mga motorista na bumibiyahe sa pagitan ng Pulilan, Bulacan at San Fernando, Pampanga, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Layunin ng hakbang na maibsan ang pasanin ng mga motorista at pasaherong naipit sa matinding traffic sa NLEX dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ni Transportation Secretary Bonny Lopez na ipatutupad ang libreng toll sa mga sasakyang biyaheng Pulilan-San Fernando at vice versa hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.

Nagpasalamat naman si Lopez sa mga toll operator na patuloy na nagbibigay ng libreng toll para sa provincial buses at mga sasakyang naghahatid ng agricultural products bilang bahagi ng UPLIFT initiatives ng pamahalaan.

Inatasan din ng Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board ang NLEX Corporation na maglaan ng pagkain at inumin at magtayo ng portable toilets para sa mga motoristang naiipit sa matinding traffic.

Refund para sa mga stranded

Samantala, hiniling ni Sen. Joel Villanueva sa NLEX Corporation na ikonsidera rin ang refund ng toll fees sa mga motoristang matagal na na-stranded dahil sa pagbaha.

Ayon kay Villanueva, umabot sa 10 kilometro ang haba ng traffic at may ilang motorista umanong umabot sa 22 oras na nasa kalsada.

Hiniling din ng senador na tiyaking agad na nabibigyan ng tubig, pagkain, portable toilets at medical assistance ang mga stranded na motorista.

Binigyang-diin ni Villanueva na hindi na bago ang pagbaha sa San Simon. Noong 2023, itinaas umano ang bahagi ng expressway bilang medium-term solution, ngunit hindi ito naging sapat upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha.

Iginiit niya ang pangangailangan ng malinaw, sapat na pondo, time-bound at permanenteng solusyon sa problema, gayundin ng mas malinaw na advisories, sapat na signage at traffic personnel kapag may road closures at rerouting.

Emergency lane access sa DSWD

Kaugnay nito, binigyan ng awtoridad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin ang emergency lanes ng NLEX upang mapabilis ang paghahatid ng relief goods sa mga lugar na naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha sa Central Luzon at mga karatig na rehiyon.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Leo Quintilla ng Resource and Logistics Management (RLM), pinayagan ng NLEX management ang mga delivery truck ng ahensya na dumaan sa emergency lanes para agad na maihatid ang family food packs (FFPs) at non-food items sa mga apektadong lokalidad.

Makakatulong din umano ito upang maabot ng DSWD sa loob ng limang araw ang target nitong relief augmentation sa mga apektadong local government units (LGUs).

Maglalagay ang mga DSWD delivery truck ng visibility certificates o signage, delivery receipts at “do not delay” signs upang mabilis silang makilala at mapadaan ng traffic enforcers at NLEX personnel.

Nakatakdang maghatid ang DSWD ng 380,000 kahon ng FFP sa Central Luzon, habang patuloy naman ang replenishment ng relief goods sa mga disaster hubs ng ahensya.

Sinabi ni Quintilla na sapat pa ang naka-preposition na relief goods sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nagpapatuloy ang repacking operations sa Luzon Disaster Resource Center (LDRC) sa Pasay City at Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA/PAOLO SANTOS)

106

Related posts

Leave a Comment