SISIMULAN na ang pagbabakuna sa mga kabataang 12 hanggang 17 taong gulang na comorbidities laban sa coronavirus disease sa anim na Metro Manila hospitals simula sa Oktubre 15.
Tinukoy ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang anim na ospital na ang Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center at Philippine General Hospital.
“Ito po ay gagawin nating phased. Uunahin po natin yung 15 to 17 years old. And then yung 12 to 14 years old,” ayon kay Galvez.
Sinabi pa ni Galvez na ang pagbabakuna sa mga kabataan sa nasabing edad ay palalawigin sa kalaunan sa mga piling Metro Manila local government units (LGUs).
“Itong pong mga [LGU] na ito ay ‘yung Manila, Pasig, Taguig, Makati, Quezon City, Mandaluyong. At after 30 days, magkakaroon na po tayo ng rollout sa buong NCR (National Capital Region) at sa mga areas na meron na po tayong average na more than 50 percent na mga A2 (senior citizens),” ayon kay Galvez.
Sinabi ni Galvez na maglalaan ang pamahalaan ng 60 milyong vaccine doses para sa nationwide vaccination ng 26 hanggang 29 milyong kabataan na may edad 12 hanggang 17.
Hindi naman nito tinukoy ang bilang ng mga kabataan na makikiisa sa pilot COVID-19 vaccination isa anim na Metro Manila hospitals. (CHRISTIAN DALE)
165 