MAY KAGAGAWAN SA PAGLILIPAT NG P60-B PONDO NG PHILHEALTH PANAGUTIN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

DAPAT may managot sa mga miyembro ng Bicameral Conference Committee (Bicam) na lumagda sa 2024 national budget, dahil sila umano ang nagbukas ng daan para mailipat ng Malacañang ang P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang nagkakaisang sinabi ng Makabayan Bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isyu ng P60 bilyong pondo ng Philhealth na inilipat sa National Treasury na pinaghihinalaang ginamit umano sa maanomalyang flood control projects.

Inilabas ng grupo ang pahayag kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang paglilipat ng naturang pondo, kaya nararapat umanong managot ang mga responsable sa nasabing probisyon.

“Sino ang dapat managot sa illegal transfer ng P60-B PhilHealth funds? The answer is clear: all those who participated in inserting, approving, and implementing the void special provision in the 2024 General Appropriations Act,” ayon sa Makabayan bloc.

Ayon sa grupo, ang mga miyembro ng Bicam ang nagsingit ng probisyong naging dahilan upang kunin ang pondo ng ilang Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs), kabilang ang PhilHealth, para pondohan ang unprogrammed appropriations.

Tinukoy ng Makabayan bloc ang Special Provision 1-D sa 2024 GAA, na nagsasaad na maaaring gamitin ang fund balance ng mga GOCC mula sa natirang pondo matapos ang review at reduction ng kanilang reserve fund. Nakasaad din na ang Department of Finance ang maglalabas ng guidelines para sa implementasyon.

“The Supreme Court has now vindicated our position. But vindication is not enough, dapat may managot. All signatories to the 2024 bicameral conference report, all those who voted to approve it despite our warnings, and all executive officials who implemented this unconstitutional provision must be held accountable,” ayon pa sa kanila.

Kabilang umano sa lumagda sa Senado ay sina dating Sens. Sonny Angara, Cynthia Villar, Nancy Binay, at mga incumbent na sina Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Bong Go, JV Ejercito at Jinggoy Estrada. Sa House of Representatives naman ay sina dating mambabatas Zaldy Co, Stella Quimbo, Aurelio “Dong” Gonzales, Neptali Gonzales II, Ralph Recto, Manuel Jose Dalipe, Raul Angelo Bongalon at Michael John Duavit, at kasalukuyang kinatawan na sina Sandro Marcos, David Suarez, Eleandro Jesus Madrona, Marcelino Libanan at Jose “Joboy” Aquino.

“Ang gagaling maggalit-galitan noong iniimbestigahan ang paglipat ng pondo ng PhilHealth, tapos sila pala ang pumirma at pumayag na gawin ito,” patutsada pa ng Makabayan.

Hangga’t walang naparurusahan sa kanila ay mananatiling magmamatigas sila at sasabihin na puro akusasyon lamang at pulitika ang ibinabato sa kanila.

Hindi maaaring palagpasin ang mga ganitong usapin na may kinalaman sa pondo ng taumbayan dahil namimihasa ang mga gumagawa nito sapagkat walang naparurusahan o napapanagot sa kanila.

Noong panahon ni Janet Napoles, ang pinag-uusapan na korupsyon sa pondo ng bayan ay milyun-milyong piso pa lamang, pero ngayon bilyun-bilyong piso na ay wala pa rin napapanagot sa mga nagkasala.

Kaya dapat mapanagot ang lahat ng mga nasasangkot sa korupsyon at tiyakin ng mga Pilipino na sa darating na 2028 presidential elections ay wala nang mananalo sa kanila.

Kailangan na natin baguhin ang ating mga kaisipan na madali tayong nakalilimot sa mga korap na government officials, lalo na ang mga politiko dahil tayo naman ang dahilan kaya sila nakauupo sa pwesto.

Siguraduhin natin na ang ating mga iboboto ay hindi puro personal interest ang gagawin kapag sila ay nakaupo na sa kanilang mga posisyon na tinakbuhan.

Dapat umiral ang sinasabing “a public office is a public trust” para nakasisiguro tayong nasa maayos ang takbo ng pamahalaan.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

109

Related posts

Leave a Comment