MAY KAPALIT PA RIN

SABI ni Pangulong ­Rodrigo Duterte, wala raw hiningi ang China na kapalit sa isang milyong doses ng Sinovac na donasyon nila sa Pilipinas, kahit isang ballpen maliban sa payagang manatili ang kanilang mga fishing boat sa territorial water ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Hindi ko alam kung sinadya o nadulas lang ang Pangulo pero ang malinaw, may kapalit pa rin ang ibinigay na ­COVID-19 vaccines ng China. Mas mahal ang kapalit at mas maraming buhay ang ­maililigtas.

Kung ang halaga ng isang milyong doses ng Sinovac ay $15 per doses, ang halaga ng 1 million doses na ibinigay ng China ay P750 million pero alam niyo kung gaano kalaki ang halaga ng mga isda na hinahakot ng daan-daang fishing boats ng China mula sa WPS araw-araw?
Bilyong-bilyong dolyar

ang halaga ng isdang hinahakot ng China sa ating teritoryo taon-taon kaya barya pa rin ang ­COVID-19 vaccine donation ng ­bansang ito sa ating bansa.

Mas maraming Chinese ang naililigtas din sa gutom at kamatayan sa hinahakot nilang isda sa ­ating territorial water kaysa 500,000 milyong Filipino na naturukan ng Sinovac na ibinigay nang libre ng China sa Pilipinas.

Meron ding pag-aaral na umaabot na sa US$33.1 billion ang halaga ng coral na sinira ng Chinese fishermen sa WPS dahil sa kanilang overfishing at walang pagpapahalaga.

Magkano ang US$33.1 billion sa pera ng Pilipinas? P1.6 trillion! Ganyang kalaki ang damage na iiwanan ng China sa ating teritoryo kaya napakaliit ng P750 million na donasyon nila.

Mula 2017 ay umaabot na sa 16,000 ektarya ang sinira ng Chinese fishermen kaya nasa bingit na umano ng alanganin ang fishing industry ng Pilipinas at ang kawawa sa bandang huli ay ang mga Filipino.

Hindi pa kasama dyan ang posibleng ­paghuhukay na ng China ng langis sa ating teritoryo. Wala tayong kakayahang i-monitor ang aktibidad ng China sa WPS kaya sino ang makapagsasabi na hindi na sila naghuhukay ng langis?

Saka bakit natin ­laging ipinangangalandakan ang donasyon ng China eh hindi binabanggit ang donasyon ng ibang bansa na mas malaki, mas marami at mas epektibong bakuna laban sa Wuhan made virus?

Halos hindi nababanggit ang 3 million doses ng Moderna na donasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. Hindi pa kasama dyan ang ibang donasyon na galing sa iba’t ibang bansa.

Magkano ang halaga ng moderna na ibinigay ng Amerika sa Pilipinas? Ipagpalagay na ulit natin na $15 ang bawat doses nito o katumbas ng P750 sa pera natin sa palitang P50:$1, tumataginting na P2,250,000,000 ito.

Triple ang laki sa donasyon ng China na lagi nating ipinangangalandakan pero hindi madalas na binabanggit.

Hindi sa wala tayong utang na loob. Marami pa ring Filipino ang ­tumatanaw ng utang na loob lalo na sa mga tumutulong sa gitna ng ­pandemya tulad ng ­COVID-19 na nagsimula sa China at kumalat sa buong mundo.

Pero kung meron mang gustong tumulong, wala sanang kapalit. Sabi nga ng mga matatanda, kung tutulong ka na may hinihintay na kapalit, hindi taos sa puso mo ang pagtulong. Ano po?

385

Related posts

Leave a Comment