CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA isang impeachment trial, natural na rules at legal arguments ang sentro ng atensyon. Mahahaba ang hearing, masinsinan ang mga diskusyon, at bawat pahayag ng prosecution, defense, at senator-judges ay kailangang timbangin.
Pero may isa pang reyalidad sa loob ng impeachment court. Sa likod ng mga legal na argumento, may mga taong kailangang manatiling nakatutok, nagtatrabaho, at nakikinig nang maraming oras.
Dito makikita ang isang hindi gaanong napapansing bahagi ng pamumuno ni Presiding Officer Chiz Escudero.
Nang magkaroon ng aberya sa monitor ni Senator Pia Cayetano, agad itong ipinagawa ni Chiz para maipagpatuloy nang maayos ang proceedings. Nang manggalaiti naman si Senator Raffy Tulfo sa time allotment ng kada senator-judge, hindi ito sinalubong ni Chiz, bagkus ay binanggit niya lang ang pangalan ng bell-ringer na si Anika. Saglit na naging magaan ang atmosphere sa impeachment court at napatawa ang mga naroon.
Ganito rin ang kanyang approach sa mga abogado. May mga pagkakataong kailangan niyang maging istrikto, pero hindi ibig sabihin nito ay kailangang maging mabigat ang pakikitungo. Sa isyu ng social-media comments ni Atty. Amando Ligutan, ipinaalala niya na may obligasyon pa rin ito bilang abogado, kahit ginawa ang post habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang guro.
Maging ang maliliit na pangangailangan ay napapansin. May abogadong matagal nang nakatayo na pinaupo, may counsel na namamaos na binigyan ng konsiderasyon, at may witnesses at lawyers na inaasikaso kapag nangangailangan ng tubig o salabat.
Hindi man ito bahagi ng legal arguments, may halaga ang ganitong mga kilos.
Dahil ang impeachment court ay hindi lamang binubuo ng mga pangalan at posisyon. Sa likod ng prosecution at defense ay mga abogado at staff. Sa likod ng 21 senator-judges ay mga taong kailangang makinig nang ilang oras. Nariyan din ang secretariat na nag-aayos ng records at dokumento, ang court personnel na nagpapatakbo ng proceedings, at ang mga witness na naghihintay bago matawag.
Kaya mas malawak ang responsibilidad ng isang Presiding Officer kaysa pagdedesisyon sa objections at pagpapatupad ng rules. Kailangan din niyang tiyaking maayos ang takbo ng isang proceedings na maraming taong nagtatrabaho sa ilalim ng matinding pressure.
Marahil ito ang isang tahimik na bahagi ng pagiging Presiding Officer ni Chiz Escudero. Mahigpit sa rules kapag kinakailangan, pero marunong ding kumilala sa mga taong nasa likod ng isang mabigat at komplikadong impeachment trial.
Rules ang sinusunod, pero hindi kailangang mawala ang malasakit.
100 