AFP WALANG NATANGGAP NA PONDO SA DEPED PARA SA YLS

INIHARAP ni private prosecutor Atty. Renaldo Robles ang bagong testigong si AFP Col. Manaros Boransing II sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Article I ng Articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kahapon. (DANNY BACOLOD)

NANINDIGAN si Army Col. Manaros M. Boransing II na walang regular o confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) ang natanggap ng Philippine Army para sa mga isinagawang Youth Leadership Summit (YLS) noong 2023.

Ito ay kahit humingi ang DepEd ng certification mula sa militar para sa mga aktibidad na kalaunan ay ginamit bilang supporting document sa liquidation ng hanggang P15.54 milyon na confidential funds.

Sa pagharap ni Boransing sa ika-20 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi niyang hindi niya alam na gagamitin ng DepEd ang certification na kanyang nilagdaan bilang dokumento sa liquidation ng confidential funds.

Sa pagtatanong ni prosecution lawyer Atty. Reynaldo Robles, sinabi ni Boransing na hiniling sa kanya ang certification para sa mga YLS activity na pinangunahan ng militar.

Ayon sa opisyal, ang pagkakaintindi niya ay simpleng dokumentasyon lamang ang naturang certification upang patunayan ang paglahok o pagdalo ng mga stakeholder sa mga aktibidad.

Kalaunan lamang umano niya nalaman na isinumite pala ito ng DepEd sa Commission on Audit (COA) bilang bahagi ng mga dokumentong sumusuporta sa paggastos ng confidential funds.

“During the hearing in the Lower House ko lamang nalaman,” ani Boransing.

Sinabi ni Boransing na nilagdaan niya ang certification noong Enero 1, 2024, sa kanyang dating kapasidad bilang assistant chief of staff for civil-military operations (G7) ng 1st Infantry “Tabak” Division.

Layunin umano ng certification na patunayan ang isinagawang walong Youth Leadership Summit na may 531 kalahok at 53 Information, Education and Communication (IEC) activities na may 9,428 kalahok sa kanilang nasasakupan noong 2023.

Ayon kay Boransing, hiniling ang naturang dokumento matapos makipag-ugnayan ang dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin sa kanilang division commander.

Dahil nakaugalian na umano ng iba’t ibang ahensya na humingi ng patunay ng pakikilahok sa mga aktibidad ng militar, inakala nilang bahagi lamang ito ng regular na documentation.

Ngunit mariing nilinaw ni Boransing na walang pondong ibinigay o idinownload ng DepEd sa kanilang military unit para sa Youth Leadership Summit at mga kaugnay na IEC activities.

Aniya, ang pondo para sa mga naturang aktibidad ay nagmula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan, at hindi sa DepEd.

Iginiit din ni Boransing na walang anomang detalye tungkol sa mga impormante, intelligence transactions o sa P15.54 milyong reward payments ang nakapaloob sa certification na kanyang nilagdaan.

Sinabi niyang nalaman lamang niya noong Oktubre 17, 2024, sa isang pagdinig sa Kamara, na ikinabit ng DepEd ang naturang certification sa kanilang tugon sa COA Audit Observation Memorandum (AOM) No. 2024-015 na may kaugnayan sa reward payments para sa mga impormante.

Iginiit ni Boransing na walang kamalay-malay ang Philippine Army na gagamitin ang kanilang certification bilang bahagi ng depensa ng DepEd sa kontrobersyal na P15.54 milyong confidential-fund expenditures.

Kasunod ni Boransing ay sumalang sa impeachment court si Army Col. Magtangol Panopio upang magbigay-linaw sa kaparehong isyu.

(DANG SAMSON-GARCIA at TINA MENDOZA)

57

Related posts

Leave a Comment