MAY PAG-ASA BA TALAGA SA PILIPINAS ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY LAW?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HAWAK pa rin ng mga miyembro ng mga politikal na dinastiya ang karamihan ng pambansang posisyong pampulitika sa bansa, ayon sa Anti-Dynasty Network.

Sa pag-aaral ng ADN, sa 20th Congress, 238 o 76% 315 miyembro ng House of Representatives at 20 o 83% ng 24 senador ay mula sa palagay na mga pamilya ng dinastiyang pulitikal.

Kung pagbabatayan ang datos na ito, gaano kalaki ang tsansa na tuluyan nang mabuwag ang political dynasties sa bansa?

Noong Disyembre, inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. sina Senate President Vicente Sotto III at Speaker Faustino Dy III na unahin ang mga panukalang naglalayong wakasan ang mga dinastiya.

Sa 20th Congress, hindi bababa sa 21 anti-political dynasty bills ang inihain sa House of Representatives at anim sa Senate. Lahat ay nakabinbin sa committee level.

Bawal ang political dynasties sa ilalim ng Section 26, Article II ng Constitution, ngunit wala pang naipapasang batas ang Congress para ipatupad ito.

Matagal nang hinihimay sa Kongreso ang panukalang batas at isang malaking palabas ito ngayon sa mata ng mga nag-aabang kung mag-iiba na ang tunog ng proseso ngayon.

Ipinakikita ng isang survey na gusto ng mga Pilipino ng tunay na repormang pulitikal.

Sa survey ng Pulse Asia noong Disyembre, lumabas na 54 percent ng adults ay sumusuporta sa pagpasa ng anti-political dynasty law.

Masunod kaya ang saloobin ng mga Pilipino at iligwak na ang katapatan para sa pamilyang pulitikal na dinastiya?

Bukod sa korupsyon, ang monopolyo ng kapangyarihan sa gobyerno ng mga miyembro ng iisang pamilya o magkakamag-anak ay nagkakait ng oportunidad para sa ibang lider.

Hindi pamana ang posisyon sa gobyerno.

Kung isa ang korupsyon sa resulta ng political dynasty ay hindi mawawala ang kahirapan sa bansa. Ika nga, kung walang korap, walang mahirap.

Ngunit ang malaking tanong pa rin ay kung lulusot ang panukalang kontra dinastiya.

Pinatitibay kasi ang pundasyon ng mga pamilyang political dynasty ng sumisidhing pagiging panatiko ng mga botante sa politiko – ang resulta: ibayong pribilehiyo sa mga nasa puwesto.

Kung malabong pumasa ang kontra dinastiya ay dapat tutukan na lamang ang term limit sa taon ng panunungkulan ng halal na opisyal ng gobyerno.

Hindi man matuldukan ang dinastiya sa pulitika ay mababawasan naman ang rigodon ng pamilya.

Sa usaping ito, kailangan ang matibay na determinasyon at matatag na paninindigan ng lider ng bansa na ipatupad ang mga reporma para sa interes ng mga Pilipino.

2

Related posts

Leave a Comment